LALAKI TINARAKAN SA PIYESTAHAN

QUEZON – Nalagutan ng hininga habang nilalapatan ng lunas sa ospital ang isang lalaking namiyesta sa Brgy. Liwayway sa bayan ng Mauban sa lalawigan makaraang tarakan ng itak ng isang tagaroon.

Ayon sa report ng Mauban Police, kinilala ang biktimang sa pangalang “Bryan”, 34, isang magsasaka at residente ng Brgy. Alitap sa nabanggit na bayan.

Nangyari ang insidente dakong alas-2:00 ng madaling araw nitong Lunes habang papasakay na ang biktima sa kanyang motorsiklo para umuwi.

Bigla na lamang umanong sumulpot mula sa likod ang suspek na kinilala sa pangalang “Ald”, 37, isa ring magsasaka, at sinaksak ang biktima sa kanang dibdib gamit ang isang itak.

Pagkaraan ay mabilis na tumakas ang suspek patungo sa bulubunduking bahagi ng barangay.

Agad namang dinala ang biktima sa Mauban District Hospital ngunit nalagutan ng hininga habang nilalapatan ng lunas.

Tinutugis ng mga pulis ang suspek habang patuloy ang imbestigasyon sa insidente at inaalam ang motibo sa krimen.

(NILOU DEL CARMEN)

541

Related posts

Leave a Comment