BBM PAUPUIN MUNA

INCOMING President Bongbong Marcos, ‘di pa nga nakakapanumpa binabatikos na ng mga kritiko nito! Paupuin ninyo muna saka na ninyo ­hanapan ng butas.

May kumalat pa sa social media na di-umano ay magkakaroon ng victory celebration si BBM sa Amanpulo sa Palawan. Ito ay isang malaking fake news, ayon mismo sa tagapagsalita nito na si Atty. Vic Rodriguez dahil ultimo ang pamunuan ng resort sa nasabing isla ay nagsabi na wala silang natanggap na reservation para sa bagong halal na pangulo. Ang Amanpulo ay kilala sa buong mundo dahil sa taglay na ganda nito at pagi­ging ekslusibo na ang ibig sabihin ay hindi lahat ay ­kayang magpunta rito.

Pero teka muna, kung sakali mang gustong magpunta ni BBM at ng kanyang pamilya sa isla upang magbakasyon, wala akong nakikitang masama rito. Dahil ‘di naman dukha ang mga Marcos at kaya nilang magbayad. Pati ba naman ang victory celebration matapos manguna sa bilangan sa headquarters nito sa Mandaluyong ay binigyan pa ng malisya. Hindi ba pwedeng magdiwang ang dating senador kasama ang kanyang mga tagasuporta? Paano kaya kung nabaligtad ang sitwasyon at ibang kandidato ang nanalo at nakunan din na nagdiriwang, may masasabi kaya sila?

Pero ang hindi alam ng mga kritikong ito ay bukal sa loob ng partido ni BBM ang panawagan nitong pagkakaisa at bilang katunayan ay nakikipag-usap ang kanyang grupo sa mga kandidato at partidong natalo nitong nakaraan halalan upang magtanong kung sino ang mga mairerekomenda ng mga ito sa iba’t ibang posisyon sa gabinete ng papasok na administrasyon.

Kaya ba ang isang talunan na kandidato sa pagka-senador ng kalabang partido ay mistulang maamong tupa sa pagtanggap ng kanyang pagkatalo at ng kanyang partido na hindi rin pinalad manalo? Kilala ang dating senador na ito sa pagiging matapang noong nakaupo pa ito sa pwesto. Umaasa ba ito na mauupo sa gabinete ni BBM?

Isa sa mga kinakausap ng kampo ni BBM upang maging bahagi ng gabinete nito ay ang dating kalihim na si Susan “Toots” Ople upang pamunuan ang bagong Department of Migrant Workers.

Pinag-iisipan pa raw ito nang mabuti ng dating kalihim pero sana ay tanggapin niya ang alok na posisyon dahil nakilalang masipag at epektibo si Ople bilang Undersecretary ng Department of Labor and Employment (DOLE) noong panahon ni GMA.

Si Susan ay Anak ni dating Sen. Blas F. Ople na naging kalihim din ng DOLE noong panahon ni dating Pangulong Ferdinand E. Marcos, ama ni BBM.

Matapos maiproklama ang labindalawang senador ng Commission on Elections (COMELEC) noong Miyerkoles, pinag-uusapan na ngayon kung sino ang papalit kay Senate President Tito Sotto sa pagbubukas ng 19th Congress.

Dalawa ang pangalang lumutang ito ay ang bagong halal na senador na si Juan Miguel “Migz” Zubiri at incumbent Sen. Cynthia Villar. Pero malakas ang ugong na baka makuha ito ni Sen. Migz dahil siya na ang kasalukuyang Majority Floor Leader. Ayon kay Zubiri plano nilang magbuo ng super majority block upang tulungan ang administrasyon ni BBM.

369

Related posts

Leave a Comment