TIGILAN NA PAGHAHASIK NG POOT, MAHALIN NATIN ANG PILIPINAS

DALAWANG linggo na ang nakalilipas matapos ang nakakapagod na kampanya at eleksyon. Marami ang nagdiwang dahil sa kanilang tagumpay at siyempre mas marami rin ang masama ang loob at malungkot dahil hindi nanalo.

Pero ganyan talaga ang pulitika, may nananalo at may natatalo. Sa katotohanan ay hindi naman talaga madaling tanggapin ang pagkatalo lalo na kung alam mo na lumaban ka nang parehas at nagpakasipag ka sa kampanya.

Idagdag pa sa nakasasama ng kalooban ay ‘yung madidiskubre mo na ang mga taong pinagkatiwalaan mo at inaasahan mo ang suporta, sa huling sandali ay tumalikod pala sa inyong usapan. Pero ganoon talaga ang politika, hindi lamang ito dahil sa sipag at magandang plataporma, kasabay nito dapat ang tamang diskarte at estratehiya.

Matapos ang dalawang linggo, ay dapat na magsimula nang muli ng panibagong pamumuhay at ipagpatuloy ang magagandang sinimulan. Dapat na tigilan na ang paghahasik ng poot at galit na magdudulot lamang ng pagkakawatak-watak ng bawat mamamayan.

Dapat na mas mangibabaw ang ating pagmamahal sa ­ating bansang Pilipinas. Bigyan na muna natin ng pagkakataon magpakitang gilas ang bagong papasok na administrasyon. Nakasalalay sa bagong liderato ang ating kinabukasan. Huwag nating hangarin na ang bagong liderato ay bumagsak, dahil kasabay nito ang pagbagsak ng ating kapakanan.

Sa pagkakataong ito na tapos na ang eleksyon, ay ipanumbalik naman natin ang ating pagma­mahal sa ating kapwa at sa ating mahal na inang bayan.

***

Sa usapin naman ng kapakanan ng mga OFW, nakasalalay ito sa mapipiling kalihim ng bagong Department of Migrant Workers (DMW). Mariin nating itinutulak at kinukumbinsi si dating Usec. Susan “Toots” Ople upang kanyang tanggapin ang iniaalok na ­posisyon ni President-elect Ferdinand “Bongbong”Marcos Jr.

Importante kasi na ang uupo sa departamento na ito ay ang lider na may puso at pagmamalasakit sa karapatan at kapakanan ng mga OFW.

Kabilang sa dapat na tutukan ng bagong kalihim ay ang ­malaking pondo na legal assistance fund na mistulang nagiging gatasan ng ilang opisyal ng embahada.

Kaya ating iminumungkahi na magsagawa ng “case audit” upang alamin kung sulit ba ang ginastos na isang bilyon piso na pambayad sa mga abogado sa ibang bansa? Dapat alamin ng magiging bagong kalihim kung ilan nga ba ang naipanalo, ­naareglo at natalong kaso na kinahaharap ng mga OFW.

Magagawa lamang ito kung ang kalihim na mailalagak ay ang katulad ni Usec. Ople na noon pa man ay kasama namin sa adbokasiya para sa pananawagan ng tama at sapat na serbisyo para sa mga OFW.

***

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa akin sa e mail address saksi.ngayon@gmail.com o drchieumandap@yahoo.com.

428

Related posts

Leave a Comment