5% GOV’T WORKERS NAKAAMBANG MASIBAK

(BERNARD TAGUINOD)

NALALAPIT na ang pagsibak sa limang porsyento ng mga empleyado sa gobyerno matapos lumusot sa ikalawang pagbasa ang panukalang batas na magbibigay kapangyarihan kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na bawasan ang mga empleyado ng burukrasya.

Sa pamamagitan ng viva voce voting, idineklarang panalo ang aye (yes vote) sa nye (no vote) kaugnay ng House Bill (HB) 7240 o “National Government Rightsizing Act” at nakatakdang ipasa ito sa ikatlo at huling pagbasa sa susunod na linggo.

Ang nasabing panukala ay orihinal na ideya ng Department of Budget and Management (DBM) na naglalayong bawasan ang mga empleyado ng gobyerno.

Bukod sa medical services at security forces, sakop ng rightsizing program ang Legislature, Judiciary, Constitutional Commissions, Office of the Ombudsman at local government units (LGUs).

“(Key provision of the bill is to) grants authority to the President of the Philippines to rightsize the Executive Branch in order to eliminate redundant, duplicate, and overlapping functions,” ayon sa panukala.

Sa ngayon ay 2,337,802 ang empleyado ng gobyerno kabilang na ang 582,378 job order (JO) at contract of service (COS) o contractual employees. Limang porsiyento sa mga ito ang aalisin sa trabaho.

Makatitipid umano ng P14.8 billion ang gobyerno sa pasuweldo subalit ayon kay ACT party-list Rep. France Castro, ang mga JO at COS ang nanganganib na matanggalan ng trabaho.

Partikular na matatamaan aniya rito ang mga empleyado ng Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Health (DOH), Department of Education (DepEd), Department of Environment and Natural Resource (DENR) at Department of Social Welfare and Development (DSWD) na may pinakamaraming JOs at COS sa lahat ng ahensya ng gobyerno.

“Kung kailangan ng gobyerno ng pera, singilin dapat niya ang P203 billion na utang ng pamilya Marcos sa sambayanan. Paghusayin nito ang koleksyon ng buwis at habulin pa ang mga ‘di nagbabayad nito,” ani Castro.

512

Related posts

Leave a Comment