TINUTUKOY pa ng Philippine National Police (PNP) ang katotohanan sa mga ulat na posibleng nakalabas na ng Pilipinas ang gambling tycoon na si Charlie “Atong” Ang.
Ayon kay PNP Chief PGen. Jose Melencio Nartatez Jr., ang huling impormasyon ng pulisya ay nasa Pilipinas pa si Ang, ngunit patuloy nilang sinusuri ang mga ulat na nakalabas na ito ng bansa.
“The last known place he had gone to was still here in the Philippines. If there were reports that he had already fled the country, we are verifying them. But, most likely, he is still here in the Philippines,” ani Nartatez.
Si Ang ay nahaharap sa mga warrant of arrest na inilabas ng mga korte sa Laguna at Batangas kaugnay ng umano’y pagdukot at pagpatay sa hindi bababa sa 34 na nawawalang sabungero noong 2021 at 2022.
Nauna nang sinabi ni Interior Secretary Jonvic Remulla na muntik nang maaresto si Ang sa isang bahay sa Cavite ngunit nakatakas ito bago ang isinagawang operasyon.
Ayon kay Remulla, palipat-lipat umano ng pinagtataguan si Ang sa CALABARZON upang makaiwas sa pag-aresto. Inimbestigahan din ng pamahalaan ang ulat na nagtungo siya sa Cambodia, ngunit kinumpirma umano ng Cambodian Ministry of Foreign Affairs na wala siya sa kanilang bansa.
(JESSE RUIZ)
77 