BIR AT BOC, SUPORTADO NG DOF SA KAMPANYA KONTRA SMUGGLING

SUPORTADO ng Department of Finance (DOF) ang magkasanib na kampanya ng Bureau of Internal Revenue (BIR) at Bureau of Customs (BOC) laban sa smuggling at ilegal na kalakalan.

Nitong nakalipas na linggo, sinamahan ni Finance Secretary Frederick Go ang dalawang ahensya sa Cebu para sa revenue performance review at pagwasak sa mga nakumpiskang smuggled cigarettes at illegal tobacco products.

Kabilang sa mga nasamsam ang pekeng tax stamps, makinarya, raw materials at iba pang gamit sa produksyon ng ilegal na sigarilyo.

Ayon kay BOC Commissioner Ariel Nepomuceno, aabot sa P240.64 milyon ang excise tax na sana’y makokolekta ng pamahalaan mula sa mga nasabat na produkto.

Samantala, dalawang mangingisda ang naaresto matapos umanong magbaba ng hinihinalang smuggled cigarettes na nagkakahalaga ng P1.12 milyon sa Sultan Naga Dimaporo, Lanao del Norte.

Nasabat sa Purok 3, Barangay Bangaan ang 1,400 reams ng New Far Red cigarettes.

Kinilala ang mga suspek na sina alias “Elly,” 19, at alias “Nass,” 20, na umano’y inupahan upang magdiskarga ng kontrabando mula sa isang motorboat na galing sa Zamboanga Peninsula.

Tiniyak ni PRO-10 commander Brig. Gen. Christopher Abrahano na patuloy na paiigtingin ng pulisya ang intelligence-driven operations at pakikipag-ugnayan sa mga katuwang na ahensya laban sa pagpasok at distribusyon ng ilegal at untaxed products.

(JESSE RUIZ)

61

Related posts

Leave a Comment