DND, BINUWELTAHAN ANG CHINESE EMBASSY SA TUGON KAY SEC. TEODORO

BINUWELTAHAN ng Department of National Defense (DND) ang Chinese Embassy sa Pilipinas matapos nitong kontrahin ang mga pahayag ni Defense Secretary Gilberto Teodoro kaugnay ng pagkakasangkot umano ng ilang Chinese nationals sa ilegal na aktibidad.

Ayon kay DND Public Affairs Service Director Asec. Arsenio R. Andolong, walang malinaw na sagot sa pahayag ng Chinese Embassy sa mga isyung ibinato ni Teodoro at sa halip ay puno umano ito ng mga tanong at “mabulaklak na salita.”

Sinabi ni Andolong na isa itong paraan ng pag-iwas sa mga isyu at pagtatangkang iligaw ang publiko.

Nauna nang tinanong ni Teodoro ang Chinese Ministry of Foreign Affairs kung sangkot ang mga Chinese nationals sa ilegal na aktibidad. Kabilang dito ang umano’y pamumutiktik ng mga imbens, pagkasira ng kalikasan dahil sa pagtatapon ng marumi at untreated wastewater at pagpapakawala ng nakalalasong usok.

Ayon kay Teodoro, suportado ng ebidensyang nakalap ng mga awtoridad sa bisa ng mga search warrant na inilabas ng mga korte sa Pilipinas ang mga alegasyon.

Tinanong din niya kung nakialam ang ilang Chinese Embassy officials sa lokal na law enforcement processes at nagbanta ng paghihiganti laban sa mga Pilipino.

Samantala, sinabi ng Chinese Embassy na “completely unfounded” ang mga pahayag ni Teodoro at umano’y “distort the facts and turn black into white.”

Kaugnay ito ng pag-aresto sa 69 Chinese nationals at isang Pilipino sa isang steel manufacturing plant sa Tagoloan, Misamis Oriental noong Mayo.

Sumailalim sa inquest proceedings ang mga manggagawa, habang nananatiling at-large ang limang incorporators ng Phil. Sanjia-Steel Corp.

Pinangunahan nina Teodoro at PAOCC Executive Director Ret. Gen. Benjamin Acorda Jr. ang inspeksyon sa pasilidad na matatagpuan sa PHIVIDEC Industrial Estate.

Ayon kay Teodoro, pag-aari umano ng Chinese businessman na si Tony Yang o Yang Jian Xin ang planta.

(JESSE RUIZ)

91

Related posts

Leave a Comment