PUMASOK sa kasunduan ang Senior Citizen’s Party-list at Integrated Bar of the Philippines (IBP) upang magtulungan sa pagbibigay ng libreng legal assistance sa lahat ng senior citizens sa bansa.
Nilagdaan nina Senior Citizens Rep. Rodolfo “Ompong” Ordanes at IBP National President Allan Panalong ang memorandum of agreement para sa Legal Assistance Program for Senior Citizens.
Naging saksi sa pagpirma sa kasunduan si National Commission for Senior Citizens Chairperson Ma. Merceditas Gutierrez.
Ipinaliwanag ni Ordanes na maraming nasa edad 60 pataas, partikular na ang mahihirap, ang nangangailangan ng tulong-legal kaya’t nagpursige siya na makabuo ng kasunduan sa IBP.
Nakasaad sa kasunduan na libreng magbibigay ng payong-legal ang mga abogado ng IBP sa buong bansa sa senior citizens, samantalang ang nabanggit na party-list naman ay tutulong sa pag-aasikaso para sa case referrals.
Ayon pa kay Ordanes, mag-oorganisa din sila ng free legal aid clinics hanggang sa malalayong komunidad para sa senior citizens.
“Ang pagsasanib pwersa na ito ng ating party-list at IBP ay para sa pagbibigay hustisya sa ating mga nakatatanda,” aniya.
Dagdag pa ni Ordanes; ” Marami sa ating mga nakatatanda ang nahaharap sa mga suliraning legal, mula sa pang-aabuso hanggang sa hindi pagtanggap ng mga benepisyo at kadalasan ay wala silang kakayahan para ipaglaban ang kanilang mga karapatan.”
Ikinagalak naman ni Gutierrez ang naturang inisyatiba at kinilala niya ang pagsusumikap ni Ordanes na magkaroon ng agarang tugon sa mga isyung-legal ang lahat ng senior citizens.
Idinagdag pa ni Ordanes na ang pakikipagkasundo nila sa IBP ay pagpapatunay ng kanilang paninindigan na isulong at protektahan ang dignidad, mga karapatan at kapakanan ng senior citizens.
53 