QUEZON – Sugatan ang pito katao matapos na ang sinasakyan nilang SUV ay bumaliktad sa highway sa bayan ng San Narciso sa lalawigang ito, nitong Martes ng madaling araw.
Batay sa report ng San Narciso Police, nawalan ng kontrol sa manibela ang nagmamanehong si Genaro Esquilo matapos na may biglang umakyat na isang ‘taong grasa’ na may kapansanan sa pag-iisip, sa bubong ng sasakyan sa paakyat na kalsada sa Brgy. Villa Reyes dakong ala-1:00 ng madaling araw.
Nalito umano ang driver at nagpagewang-gewang ang sasakyan hanggang dalawang beses na bumaliktad.
Nasugatan ang driver at ang mga pasahero na sina Gloria Esquilona, Darwin Esquilona, Ryan Esquilona, Angelica Esquilona, Maxene May Esquilona at Norbing Castillo.
Isinugod ang mga ito sa ospital samantalang dinampot naman ng mga pulis ang lalaking umakyat sa bubong ng sasakyan. (NILOU DEL CARMEN)
