Business permit sinuspinde ng Valenzuela LGU TOLL HOLIDAY SA NLEX

PERSONAL na inihain ni Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian ang suspension order ng business permit ng NLEX Corporation sa mga toll plaza na sakop ng lungsod noong Lunes,

Bunsod nito, hindi muna maaaring maningil ng toll fee ang toll gates na nasa Brgy. Karuhatan, Lawang Bato, Paso de Blas at Ugong at iiral ang toll holiday sa mga toll plaza na ito na nangangahulugang lahat ng boom barriers o gates ay bubuksan nang libre para sa mga dadaan sa NLEX.

Ito ay kaugnay ng iba’t ibang business permit violation na kinasasangkutan ng pamunuan ng NLEX.

Alinsunod ito sa Executive Order No. 316, 317, 318, 319, 320, 321 at 322 Series of 2020 na nilagdaan ni Gatchalian.

Samantala, agad numaksyon ang Sangguniang Panlungsod ng Valenzuela at ipinasa ang Ordinance No. 827 Series of 2020 o ang Uninterrupted Public Utilities and Services Ordinance.

Sinisiguro ng ordinansang ito na hindi magagambala ang serbisyo ng public utilities na pinatatakbo ng mga pribadong kompanya sa Lungsod ng Valenzuela kahit na suspendihin o kanselahin ang kanilang business permit.

Ang mabilis na pagpasa ng konseho sa ordinasang ito ay nagbigay daan kay Gatchalian upang maihain ang suspensyon ng business permit ng NLEX Corporation sa mga toll plaza na sakop ng Valenzuela City.

Magugunitang tinaningan ni Gatchalian ang NLEX ng hanggang alas-5:01 ng gabi ng Disyembre 7 para ayusin ang problema sa radio-frequency identification (RFID) system nito at kung hindi ay ipatitigil ang operasyon ng NLEX sa Valenzuela at ipatataas ang boom barriers/gates nito sa lungsod para sa kapakanan ng publiko. (ALAIN AJERO)

203

Related posts

Leave a Comment