ARESTADO sa mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Galas Police Station (PS-11) sa ilalim ng Quezon City Police District (QCPD), ang isang call center agent at kanyang kasama sa ikinasang buy-bust operation sa Quezon City noong Huwebes ng gabi.
Kinilala ni QCPD director, P/Brigadier General Danilo P. Macerin ang mga arestado na sina Jericho Rivera, 24, call center agent, residente ng San Juan City, at Leo Bermudez, 25, residente sa Brgy. Sta. Lucia, Quezon City.
Nadakip ang mga suspek dakong alas-10:45 ng gabi noong Pebrero 25 sa #29 Diego Silang St., Brgy. Sta. Lucia, Quezon City sa inilatag na buy-bust operation ng mga awtoridad matapos isumbong ng confidential informant sa PS-11 ang umano’y ilegal na aktibidad ng mga ito.
Makaraang makabili ang poseur buyer ng P23,000 halaga ng umano’y shabu ay dinakip ng mga awtoridad ang mga suspek na nakumpiskahan ng anim na kilo ng marijuana na tinatayang P780,000 ang halaga, limang gramo ng high grade marijuana o kush, na P7,500 ang halaga, at drug paraphernalia. (JOEL O. AMONGO)
151 