CAMANAVA 6-ORAS NA WALANG TUBIG KADA GABI

KABILANG na rin sa mawawalan ng tubig ang malaking bahagi ng Caloocan City at 15 barangay sa Navotas tuwing alas-10:00 ng gabi hanggang alas-4:00 ng madaling araw hanggang sa Abril 1.

Sa Caloocan City ay mawawalan ng tubig sa nasabing mga oras ang sumusunod na mga barangay: 1-6, 8, 10-23, 25-28, 30-38, 40-44, 46-50, 52-71, 73, 74, 77, 78, 80, 93, 97,98, 101, 103, 105, 106, 107, 109-118, 120, 122-131, 148, 149, 152, 153, 154, 159, 160, 162, 163, 165-180, 182-188, Bagbaguin, Deparo, at Llano.

Sa Navotas City naman ay walang tutulong tubig sa mga gripo ng Barangay 12, 14, Bagumbayan North, Bagumbayan South, Bangkulasi, Daanghari, Navotas East, Navotas West, North Bay Boulevard, San Jose, San Rafael, San Roque, Sipac-Almacen, Tangos, at Tanza sa loob ng anim na oras na off-peak hours.

Unang pinutol ang supply ng tubig sa lungsod ng Valenzuela noong gabi ng Marso 9 hanggang umaga ng Marso 10 at sumunod na dumanas ng water interruption ang Malabon City.

Patuloy na pinaaalalahanan ang mamamayan ng Caloocan-Malabon-Navotas-Valenzuela (CAMANAVA) area na maging masinop sa paggamit at ugaliing mag-ipon ng tubig para maging handa sa ano mang emergency water service interruption.

Ayon naman sa Maynilad, kinakailangang  i-extend hanggang unang araw ng Abril ang daily water service interruptions upang matugunan ang mabilis na pagkaubos ng tubig sa mga reservoir dulot ng mas mataas na demand ngayong tag-init.

Ang nasabing off-peak hours interruptions umano ay makatutulong upang makapag-refill ng mga reservoir tuwing gabi bilang paghahanda sa mataas na demand tuwing umaga.

Dagdag pa ng water and wastewater services provider, sakaling malabo ang tubig sa unang buga kapag bumalik na ang supply, hayaan itong dumaloy nang panandalian hanggang sa luminaw, at huwag inumin o ipangluto ang tubig, bagkus ay gamiting pangbuhos sa inidoro upang hindi masayang. (ALAIN AJERO)

1018

Related posts

Leave a Comment