Casimero-Akaho ‘no contest’ IAAPELA NG GAB

HINDI kuntento ang mga ­opisyal ng Games and Amusements Board (GAB) sa naging resulta ng laban ni Pilipino boxer John Riel Casimero kay Ryo Akaho ng Japan noong Disyembre 3 sa Paradise City Plaza sa Incheon, South ­­Korea.

Sa ipinadalang sulat nina Atty. Ermar Benitez, GAB OIC at Chief Legal Division, at Jackie Lou ­Cacho-Ornido, hepe ng ­boxing at iba pang contact sports, sa ­pangulo ng Korea Boxing Member’s Commission na si John Hwang ay hiniling nila ang masusing pag-aaral sa kontrobersyal na desisyong ‘no contest’ ng Japanese referee na si Mochiaki Someya.

Inihinto ni reperi Someya ang bakbakan sa ikalawang round dahil sa aniya’y illegal na ­pagbatok ni Casimero kay Akaho, na pagkatapos nito ay halatang umarteng nasaktan at nahilo.

Para sa GAB officials, hindi dapat ‘no contest’ kundi technical knockout (TKO) ang laban.

Sinabi nina Atty. Benitez at Ornido, napanood nila ang video ng laban at kitang hindi ­binatukan kundi nadaplisan ng suntok ni Casimero ang likod ng ulo ni ­Akaho nang yumuko ito para ­umiwas. (DENNIS IÑIGO)

208

Related posts

Leave a Comment