CAVITE ISINAILALIM SA STATE OF CALAMITY

ISINAILALIM na sa state of calamity ang buong lalawigan ng Cavite dahil sa walang tigil na pag-ulan dulot ng Tropical Cyclones Luis at Maymay.

Batay sa Resolution No. 5059-2026 na inaprubahan ng Sangguniang Panlalawigan ng Cavite, idineklara ang state of calamity upang mapabilis ang pagbangon at pagtugon sa mga lugar na naapektuhan ng magkakasunod na pag-ulan at pagbaha.

Pinahintulutan din si Cavite Governor Francisco Gabriel “Abeng” Remulla na gamitin ang P10 milyon mula sa Quick Response Fund (QRF) ng 2026 Provincial Disaster Risk Reduction and Management Fund (PDRRMF) para sa agarang pagtugon sa mga pangangailangan ng mga apektadong residente.

Batay sa situation report ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), nakapagtala ng 97 insidente sa lalawigan, kabilang ang pagbaha, pagguho ng lupa, soil erosion, pagkasira ng mga bahay, sunog, vehicular accidents at pagkatumba ng mga puno.

Ayon sa tala, 20 local government units (LGUs) ang naapektuhan, na umabot sa mahigit 10,469 pamilya o 34,952 indibidwal.

Naitala rin ang mahigit P4.23 milyon na pinsala sa sektor ng agrikultura dahil sa epekto ng mga pag-ulan at bagyo.

(SIGFRED ADSUARA)

49

Related posts

Leave a Comment