HINIKAYAT ni Las Piñas Rep. Mark Anthony Santos ang mga local government unit (LGU) sa buong Metro Manila na magpatupad ng isang uniform anti-littering ordinance upang mapalakas ang mga hakbang laban sa maling pagtatapon ng basura.
Ayon kay Santos, kailangan ng Metro Manila ng iisang hanay ng mga panuntunan at parusa laban sa littering upang matiyak ang pare-parehong pagpapatupad at maiwasan ang kalituhan sa mga residente, pasahero at motorista na lumilipat mula sa isang lungsod patungo sa iba.
“Metro Manila is one interconnected community. Our policies against littering should also be consistent. There should be no safe haven for people who recklessly throw their garbage on streets, sidewalks, waterways and other public spaces,” ani Santos.
Sa ilalim ng Republic Act No. 9003 o Ecological Solid Waste Management Act, ipinagbabawal ang pagtatapon at hindi tamang pagpapakalat ng basura sa mga pampublikong lugar kabilang ang mga kalsada, bangketa, kanal, daluyan ng tubig at parke.
Sa Metro Manila, ang umiiral na mga regulasyon ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ay nagtatakda ng P500 administrative fine o isang araw na community service para sa ilang paglabag sa anti-littering rules.
Iminungkahi ni Santos na magtulungan ang mga LGU sa Metro Manila sa pagbalangkas ng uniform anti-littering ordinance na malinaw na magtatakda ng mga ipinagbabawal na gawain at standardized na parusa, kabilang ang multa at community service.
Aniya, napapanahon ang panukala kasunod ng tinukoy ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon na lumalalang “garbage crisis” na nangangailangan ng komprehensibo at pangmatagalang solusyon.
Nagbabala si Dizon na bagama’t mabilis na makapagpapakilos ang mga ahensya ng pamahalaan para sa clean-up operations, hindi sapat ang mga ito upang matugunan ang ugat ng problema.
Nanawagan din si Dizon ng mas mataas na disiplina mula sa mga LGU at publiko sa pagtatapon ng basura, gayundin ng pagbuo ng isang pangkalahatang master plan upang matugunan ang problema sa basura.
Sinabi ni Santos na ang panawagan ni Dizon para sa isang komprehensibong master plan ay dapat suportahan ng mas matatag at koordinadong mga patakaran sa pagitan ng mga LGU sa Metro Manila.
Nanawagan din si Santos sa mga LGU na sabayan ang mas mahigpit na pagpapatupad ng batas ng tuloy-tuloy na information campaign, paglalagay ng sapat na basurahan, pagkakaroon ng accessible waste collection points at regular na pagbabantay sa mga lugar na madalas gawing tapunan ng basura.
(TINA MENDOZA)
42 