CAYETANO: EKONOMIYA, PAMILYA DAPAT TUTUKAN SA GITNA NG MGA PROBLEMA

SA HALIP na malunod sa mga kontrobersiya, dapat manatiling nakatuon ang pamahalaan sa mga problemang direktang nararamdaman ng mga Pilipino, gaya ng mataas na presyo, trabaho at kapakanan ng pamilya, ayon kay Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano.

Sa kanyang Facebook livestream nitong Martes, Setyembre 29, sinabi ni Cayetano na sunod-sunod ang mga problemang kinakaharap ng bansa, mula sa pagtaas ng presyo ng gasolina at inflation hanggang sa kawalan ng trabaho, impeachment proceedings, kontrobersiya sa flood control at mga usapin sa peace and order.

“Alam ko po na sa taas ng presyo ng gasolina, sa problema po sa hanapbuhay, sa inflation, dito sa impeachment court, dito po sa flood control, sa peace and order, lahat po tayo ay stressed,” ani Cayetano.

Dahil dito, hinimok ni Cayetano ang mga Pilipino na magtulungan sa halip na lalo pang mahati sa gitna ng mga kontrobersiya.

Sinabi rin niyang hindi lamang Pilipinas ang dumaranas ng mahirap na sitwasyon dahil nagbabago rin ang kalagayan sa iba’t ibang bahagi ng mundo.

“Problematic hindi lang ang ating bansa kung hindi ang lahat po sa buong mundo ngayon. Iba na po ang mundo ngayon at kailangan nating magtulong-tulong,” aniya.

Binigyang-diin din ni Cayetano ang pangangailangang paghandaan ng bansa ang posibleng paglala ng El Niño. Ayon sa PAGASA, maaari itong lumakas at maging very strong El Niño bago matapos ang 2026.

Samantala, kaugnay ng patuloy na mga alegasyon ni Senator Panfilo “Ping” Lacson tungkol sa mga proyekto sa Taguig, sinabi ni Cayetano na mas nais niyang ituon ang kanyang oras sa mga problemang direktang kinakaharap ng mga pamilya.

Hindi naman kinuwestiyon ni Cayetano ang pangangailangan ng mga imbestigasyon at pagpapanagot sa mga dapat managot. Iginiit lamang niyang dapat isagawa ang mga ito nang patas at naaayon sa batas, nang hindi napapabayaan ang iba pang agarang problema ng bansa.

Para kay Cayetano, hindi kailangang pare-pareho ang pananaw ng mga Pilipino sa lahat ng isyu upang makapagtulungan.

“Mga kababayan, we cannot say we love our country, we cannot say we love our community, we cannot say we love our constitution tapos tatalikuran natin. Ako po, kahit kalaban, mahal ko,” pahayag niya.

61

Related posts

Leave a Comment