JVA tinawag na ‘sweetheart deal’ WATER DISTRICT, PRIMEWATER KINASUHAN SA OMBUDSMAN

KINASUHAN sa Office of the Ombudsman ang mga opisyal ng San Jose del Monte Water District (SJDMWD), mga beneficial owner at matataas na opisyal ng PrimeWater Infrastructure Corp. kaugnay ng umano’y mga iregularidad sa kanilang joint venture na sinasabing nagresulta sa problema sa suplay ng tubig at pagkalugi ng water district.

Inihain nitong Miyerkoles, Setyembre 30, 2026, ng consumer advocacy group na UHAW at mga whistleblower mula sa loob ng ahensya ang 928-pahinang joint complaint.

Ayon sa mga complainant, naging “sweetheart” deal umano ang joint venture na nagbigay ng hindi patas na benepisyo sa PrimeWater, habang nabigong maprotektahan ng SJDMWD ang interes ng publiko.

Batay sa mga findings ng Commission on Audit (COA) na binanggit sa reklamo, kumita ang SJDMWD ng P187.56 milyon noong 2016 at P126.48 milyon noong 2017.

Matapos magsimula ang operasyon ng PrimeWater noong 2018, bumaba umano ang net income ng water district sa P53.6 milyon noong 2019 at P2.27 milyon noong 2020, bago magtala ng P5.35 milyong net loss noong 2020.

Ipinunto rin sa reklamo ang umano’y kabiguan ng SJDMWD na ipatupad ang Rewards and Penalties Framework na nakasaad sa joint venture agreement (JVA), dahilan upang hindi umano mapatawan ng kaukulang financial penalties ang PrimeWater sa mga pagkukulang sa serbisyo.

Binanggit din ang patuloy na pagtaas ng Non-Revenue Water (NRW) na umabot sa 34.26% noong 2020, 35.54% noong 2023 at 42.66% noong 2024—mga antas na lampas umano sa 20% limit na itinakda ng Local Water Utilities Administration (LWUA).

Ayon pa sa reklamo, gumamit umano ang SJDMWD ng pampublikong pondo para sa ilang gastusing dapat ay sagutin ng PrimeWater sa ilalim ng JVA. Umabot umano sa P69.64 milyon noong 2023 at P59.98 milyon noong 2024 ang naturang advances.

Ipinunto rin ng mga complainant na sa ipinangakong P6.771 bilyong investment ng PrimeWater sa loob ng mahigit 25 taon, P748 milyon lamang umano ang aktuwal na na-invest matapos ang pitong taon.

Hindi rin umano ipinatupad ang forfeiture ng 8% performance bond.

Kabilang din sa reklamo ang mahigit 1,400 pending water connection applications noong 2024 na umano’y kinailangang asikasuhin gamit ang pondo at manpower ng SJDMWD, habang patuloy namang naningil ang PrimeWater ng P1,915 application fee sa bawat consumer.

Kabilang sa mga respondent ang mga opisyal ng SJDMWD na sina Aurelio A. Jose Jr., Armando M. De Los Reyes, Jovita Vizmonte-Mateo, Leo V. Brigino at General Manager Engr. Loreto G. Limcolioc.

Kasama rin sa mga respondent sina Manuel B. Villar Jr., Cynthia A. Villar, Paolo A. Villar, Sen. Mark A. Villar at Sen. Camille A. Villar, gayundin ang iba pang PrimeWater executives.

Sinampahan ng administrative charges na Grave Misconduct, Gross Neglect of Duty at Conduct Prejudicial to the Best Interest of the Service ang mga opisyal ng SJDMWD.

Hinihiling din ng mga complainant ang preventive suspension at permanenteng pagtanggal sa serbisyo ng mga respondent, gayundin ang pagsasampa ng mga kasong kriminal kaugnay ng umano’y graft at technical malversation.

(PAOLO SANTOS)

78

Related posts

Leave a Comment