TAGUIG PINALALAKAS ANG SCHOLARSHIP PROGRAM KASABAY NG PAGPAPALAWAK NG AYUDA SA TERTIARY EDUCATION

PATULOY na pinalalakas ng Taguig City ang scholarship program nito para sa mga estudyanteng kumukuha ng post-secondary education, kasabay ng pagpapalawak ng tulong-pinansyal ng pamahalaan para sa tertiary education.

Ito ay kasunod ng paglagda ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Republic Act No. 12325 noong Setyembre 4, na nag-amyenda sa Republic Act No. 10931 o Universal Access to Quality Tertiary Education Act.

Sa ilalim ng RA 12325, pinalawak ang saklaw ng Tertiary Education Subsidy at nadagdagan ang mga gastusing pang-edukasyon na maaaring sagutin ng pamahalaan. Kabilang din sa mga maaaring makatanggap ng karagdagang suporta ang mga kwalipikadong benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).

Ngunit bago pa man maipasa ang RA 10931 at RA 12325, mayroon nang sariling scholarship program ang Taguig City.

Itinatag ng lungsod ang Lifeline Assistance for Neighbors In-need (LANI) Scholarship Program sa ilalim ng City Ordinance No. 9, Series of 2011, na pinalawak sa pamamagitan ng Ordinance No. 6, Series of 2020.

Ayon sa lungsod, mahigit 130,000 indibidwal na ang natulungan ng programa, na nagbibigay ng scholarship allowance mula P15,000 hanggang P110,000 kada taon depende sa uri ng scholarship.

May karagdagang P10,000 naman para sa mga scholar na makakakuha ng semestral weighted average na 88.75 pataas.

Hindi umano nakabatay lamang sa grado, paaralan, kurso o kita ng pamilya ang scholarship program.

Mas malaking benepisyo naman ang maaaring matanggap ng mga nagtapos sa Top 10 ng mga pampublikong high school sa Taguig at mga nag-aaral sa mga kinikilalang Centers of Excellence.

Kasama rin sa mga sinusuportahan ang persons with disabilities, graduate students at mga kumukuha ng abogasya at medisina sa mga piling paaralan.

Mayroon ding review allowance para sa mga scholar na naghahanda para sa board at bar examinations.

Samantala, inilunsad din ng Taguig ang INVEST Scholarship Program, na nagbibigay ng full scholarship at buwanang allowance sa mga kwalipikadong kumukuha ng Medicine sa Top 10 medical schools sa bansa.

Ayon sa Taguig City, bahagi ang mga programang ito ng patuloy nitong pamumuhunan sa edukasyon upang mabigyan ng pagkakataon ang mga residente na makapagtapos at magkaroon ng mas magandang kinabukasan.

73

Related posts

Leave a Comment