CAYETANO, MARCOLETA, 18 EX-BODYGUARDS KINASUHAN

NAGSAMPA nitong Huwebes ng panibagong kasong cyberlibel sa Department of Justice si dating Senador Antonio Trillanes IV laban kina Senador Alan Peter Cayetano, Senador Rodante Marcoleta at 18 umano’y dating bodyguard ni ex-Rep. Zaldy Co.

Kaugnay ito ng isinagawang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee noong Hunyo 4 na ayon kay Trillanes ay ipinagpatuloy kahit may pagbabago na sa liderato ng Senado.

“Ito ay ukol doon sa kanilang rogue Blue Ribbon Committee hearing. Because of that, wala silang parliamentary immunity. Muli nilang inulit ang mga kasinungalingang sinabi nila na nagbigay umano sila ng male-maletang pera sa akin para raw sa ICC. Hindi po totoo iyon,” ani Trillanes.

Iginiit niya na maraming pagkakasalungatan sa mga pahayag ng mga testigo, kabilang ang lokasyon ng umano’y paghahatid ng pera at maging ang paglalarawan sa lalagyan nito na minsang “maleta” at minsang “paper bag.”

Inakusahan din niya sina Cayetano at Marcoleta na umano’y nag-udyok sa mga alegasyon sa pamamagitan ng kanilang mga tanong at pahayag sa pagdinig.

“Itong 18 ex-bodyguard na ito, habang patuloy silang nagpapagamit doon sa kanilang mga political backer, may kakaharapin silang mga consequences,” dagdag ni Trillanes.

Noong Marso, una nang nagsampa si Trillanes ng kasong cyberlibel at perjury laban sa 18 ex-Marines. Kasalukuyan nang nakabinbin para sa resolusyon ang naturang reklamo.

Kasabay nito, hinamon ni Trillanes ang abogado ni Jay Sonza na sa korte iharap ang mga argumento nito kaugnay ng reklamong cyberlibel na isinampa niya laban sa dating broadcaster.

“Eh di iyon ang gawin niyang depensa sa korte. Ganoon lang kasimple iyan,” ani Trillanes.

Nagsumite nitong Lunes si Sonza ng rejoinder affidavit sa Department of Justice na ayon kay Atty. Mark Tolentino ay nakabatay sa “public figure doctrine” dahil kilalang personalidad si Trillanes.

“Yung basis namin for the rejoinder, number one, is public figure doctrine. Si Mr. Trillanes, he shouldn’t be onion-skinned kasi as a public figure, kasama doon ang public criticism. Second, ang tinatawag na public commentary. Hindi siya matatawag na libel kasi ang ginagawa ng kliyente natin is just commenting in the exercise of freedom of the press and freedom of expression,” paliwanag ni Tolentino.

Nananatiling kumpiyansa ang kampo ni Sonza na maibabasura ang reklamo matapos isumite para sa resolusyon ang kaso.

(JULIET PACOT)

46

Related posts

Leave a Comment