HINDI pa 100 porsyentong handa ang Pilipinas sa posibleng epekto ng malakas na lindol gaya ng pinangangambahang “The Big One,” ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).
Ayon kay PHIVOLCS Director Teresito Bacolcol, bagama’t hindi pa ganap ang kahandaan ng bansa, mas mataas na ang kamalayan ng publiko ngayon kumpara sa nakalipas na dalawa hanggang tatlong dekada.
Naniniwala si Bacolcol na mas marami nang Pilipino ang may sapat na kaalaman tungkol sa paghahanda sa lindol dahil sa regular na earthquake drills at mas mabilis na pagkalat ng impormasyon sa pamamagitan ng social media.
Gayunman, binigyang-diin niya na hindi dapat maging kampante ang publiko, lalo na ang mga residenteng nakatira malapit sa mga aktibong fault line.
Ayon kay Bacolcol, maaaring isipin ng ilan na hindi mangyayari sa Metro Manila ang malakas na lindol dahil sa Mindanao tumama ang magnitude 7.8 earthquake noong Hunyo 8.
“Since it happened in Mindanao, they might think that it will not happen here. That’s normalization bias,” paliwanag niya.
Dahil dito, patuloy na mino-monitor ng PHIVOLCS ang mga aktibong fault line, partikular ang West Valley Fault na itinuturing na isa sa pinakamalaking banta sa Metro Manila at mga kalapit na lalawigan.
Tinatayang nasa magnitude 7.2 ang lakas ng inaasahang “The Big One,” na maaaring magdulot ng malawakang pinsala sa mga komunidad, imprastraktura at kabuhayan.
Bilang paghahanda, pinaigting ng PHIVOLCS ang information drive at pakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan upang malinaw na matukoy at mamarkahan ang mga lugar na tinatahak ng mga fault line.
Muling pinaalalahanan ng ahensya ang publiko na magkaroon ng sapat na paghahanda at evacuation plan upang mabawasan ang posibleng epekto ng isang malakas na lindol.
(JESSE RUIZ)
33 