HINIMOK ni House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III ang mga ahensya ng pamahalaan na magpatupad ng maagap na paghahanda laban sa nakaambang epekto ng El Niño sa halip na umasa sa reaktibong pagtugon kapag lumala na ang tagtuyot.
Sa kanyang talumpati sa briefing ng House Committee on Agriculture and Food, sinabi ni Speaker Dy na naranasan na ng bansa ang matinding epekto ng El Niño sa agrikultura, suplay ng pagkain at ekonomiya.
Ayon sa lider ng Kamara, bumaba ng 12 hanggang 15 porsiyento ang produksyon ng palay mula 2023 hanggang 2024, na nagdulot ng pagtaas ng presyo ng bigas at nakaapekto sa milyun-milyong Pilipino.
Ibinahagi rin ni Dy ang naging karanasan ng lalawigan ng Isabela kung saan ang matinding tagtuyot ay nagdulot ng pinsala sa mga sakahan, nagpahirap sa irigasyon at naging sanhi ng fish kill sa Magat Reservoir.
Aniya, agad na nagsagawa ng emergency consultation ang pamahalaang panlalawigan kasama ang Department of Agriculture Region II, National Irrigation Administration–Magat River Integrated Irrigation System (NIA-MARIIS), League of Mayors, mga city at municipal agriculture officers at iba pang ahensya upang maisagawa ang mga maagang interbensyon.
Kabilang sa mga hakbang ang mahigpit na monitoring sa water level ng Magat Dam, pagpaplano sa pagpapakawala ng tubig, pagbibigay ng fuel subsidy sa mga magsasaka at mangingisda, at pagsusulong ng climate-resilient agriculture, water-harvesting facilities at multipurpose dam projects.
Binigyang-diin ni Speaker Dy na layunin ng briefing na makabuo ng isang epektibo at implementableng national preparedness framework laban sa El Niño upang higit na maprotektahan ang mga magsasaka at matiyak ang food security ng bansa.
54 