Celebrities sama-samang umapela STAY SAFE, STAY HOME

UMAPELA ang mga personalidad sa pelikula at telebisyon na sundin ng publiko ang payong manatili sa kani-kanilang tahanan upang mapigilan ang pagkalat pa ng COVID-19.

Pinangunahan ni radio/TV journalist Arnold ‘Igan’ Clavio ang panawagan sa pamamagitan ng isang video message sa Facebook na sinundan naman ng mga celebrity na kinabibilangan nina Martin Nievera, Janno Gibbs, Aicelle Santos, Ogie Alcasid, Dingdong Avanzado, Noel Cabangon, Randy Santiago, Juancho Trivino, Joyce Pring, Alden Richards, at iba pa.

Nilalaman din ng video message ang kanilang pasasalamat at pagsaludo sa mga frontliner na anila’y tunay na bayani.

“Hindi ako ang idol,” panimula ng mga celebrity, saka binanggit ang mga health worker, sundalo, pulis, mga manggagawa sa supermarket, botika, bangko, security guards, janitors, garbage collectors, magsasaka at mga miyembro ng media na tumutulong para mapanatili ang kaligtasan ng publiko, nagbibigay ng impormasyon at tumitiyak na may pagkain at pangunahing pangangailangan ang mga tao.

“Iligtas natin ang buhay nila para sila naman ang makapagligtas ng buhay,” sabi pa ng mga ito.

Si Igan ang nagbigay ng huling mensahe na, “Manatili tayo sa ating mga bahay. At salamat. Malalagpasan natin ito.” SAKSI NEWS TEAM

160

Related posts

Leave a Comment