Ni VT ROMANO
KUMAPIT hanggang dulo ang Boston Celtics upang dispatsahin ang Miami Heat via 100-96 Game 7 win, Linggo (Lunes sa Manila).
Sanib-puwersa sina Jayson Tatum, Jaylen Brown at Marcus Smart, ang main core ng team na dalawang beses nabigo sa Eastern Conference finals, sa 74 puntos para akayin ang Celtics sa NBA Finals kontra Golden State Warriors.
“The road that we took to get here, not a lot of people believed in us,” pahayag ni Tatum matapos ang laro, kung saan kinailangan munang talunin ang Brooklyn at Milwaukee at ngayon ang Miami sa magkakasunod na rounds. “We took the toughest route, and it worked out.”
Si Tatum ang kauna-unahang tumanggap ng NBA’s Larry Bird Eastern Conference Finals MVP, makaraang umiskor ng 26 points sa win-or-go-home game. Sina Brown at Smart ay may ambag na tig-24 points.
Ang tatlong player ay nagsanib din sa 25 rebounds at 17 assists. Habang si Al Horford humablot ng 14 rebounds at dalawang blocks.
“We stayed with it. We believed in each other. We made a commitment on the defensive end,” ani Horford, first time sa Finals makalipas ang 141 playoff games. “That was the biggest thing, defending, and that was going to be our identity — and that’s what’s carried us this far.”
Sa Huwebes (Biyernes sa Manila) sa San Francisco ang Game 1.
Umiskor naman si Jimmy Butler ng 35 points sa 48 minutes para sa Heat. Nagdagdag si Bam Adebayo ng 25 points.
Nang umangat ang Celtics, 98-85 sa natitirang 3:35, nag-rally ang Heat, 11-0 run, isang wide-open transition 3-point attempt ang pinakawalan ni Butler, na dapat sanang magbigay sa Heat ng kalamangan sa huling 16 seconds, ay sumablay.
Kasunod nito, nakakonekta si Smart ng dalawang free throws at napigilan ang pag-collapse ng Boston.
Agad nagpaka-busy ang Celtics sa first quarter, lumaro ng lockdown defense tungo sa 32-17 lead, kaparehong larong inilatag sa Heat sa Game 4.
Sa unang anim na minuto, anim ding Celtics ang umiskor. Umiskor din ng 13 points sa transition at pinigilan ang Miami sa 35% shooting sa field at 1-of-7 sa 3-point range.
Ang 9-1 lead ng Boston sa unang tatlong minuto ay nagawang hawakan ng Celtics hanggang dulo.
Katulad sa Game 6, inilapit ni Butler ang Miami sa tuwing nagtatangka ang Boston palakihin ang kalamangan. Naipasok niya lahat ng limang shots at nakakuha rin ng 10 free throws sa second quarter.
Ang kanyang 3-pointer, 1:26 bago ang halftime, nagpababa sa deficit, 53-44 at nagbigay sa kanya ng 24 points mula sa 8-of-11 shooting. Habang ang mga kakampi ay may 20 points (8-of-26 shooting).
May apat na free throws si Kyle Lowry, nagbigay sa Miami ng 19 attempts sa quarter at tumapos sa 11-2 run para isara ang second period at tinanganan ng Boston ang 55-49 halftime lead.
Napalobo ng Celtics hanggang 14 ang abante sa kalagitnaan ng third. Sumagot ang Heat. Kasunod nito ang magkasunod na mintis sa layups ng Boston, habang tinuldukan ni Victor Oladipo ang 7-0 run ng Miami, 76-65 Boston lead hanggang matapos ang third. May 19 points ang Celtics, 7-of-9 shooting sa transition at 38% shooting papasok sa fourth.
Mula sa dunk ni Adebayo at layup ni Butler, dumikit ang Miami, 82-79, para mag-timeout ang Boston. Iyon ang pinakadikit na iskor ng Miami. Pero, nasa mga kamay ng Boston ang huling halakhak, nang magpakawala ng 16-6 run sa sumunod na pito at kalahating minuto upang makalayo sa Miami. Umiskor dito si Tatum nang pito sa 16 points.
Pero, hindi pa rin sumuko ang Heat. Nagawa pang magpasabog ng 11-0 run, nagulat ang Celtics, at hindi nakaiskor sa final 4:28.
Ang desisyon ni Butler bumitaw ng 3 sa transition sa halip na atakehin si Horford para sa potential game-tying layup ay inaasahang matagal-tagal pag-uusapan sa Miami. Hindi na nagkaroon ng tsansa ang Heat maitabla ang laro, at nagmintis pa si Strus ng dalawang 3-pointers sa final 7.6 seconds.
Ito ang unang Finals appearance ng Boston mula 2010.
182 