CHINESE NEW YEAR CELEBRATION DINAGSA NG 3M KATAO

NAMANGHA ang mga tauhan ng konsulado ng China sa nasaksihang dami ng mga Filipino na nakiisa sa pagdiriwang ng Chinese New Year o Spring festival sa Maynila, partikular sa pinakamalaki at pinakamatandang China Town sa labas ng mainland.

Mismong si Ambassador Huang Xilian ang nanguna sa mga kinatawan ng China Embassy sa Pilipinas para makiisa sa selebrasyon ng Chinese New Year sa Binondo, Maynila.

Kasama ni Amb. Huang Xilian sina Manila Mayor Honey Lacuna at Federation of Filipino Chinese Chamber of Commerce and Industry Inc. president Dr. Cecilio Pedro, sa nangungunang float sa ginanap na Spring Festival parade.

“On January 29, the first day of the 2025 Chinese New Year, I participated in the Spring Festival Parade jointly hosted by the City Council of Manila, Manila Chinatown Development Committee (MCDC) and major Filipino-Chinese societies, celebrating the Chinese New Year of the Snake with tens of thousands of local people,” masayang pahayag ni Amb. Huang Xilian.

Ayon kay Manila City Administrator Bernie Ang, humakot ng halos tatlong milyong katao ang mga aktibidades sa selebrasyon ng Chinese New Year sa Maynila. Kasabay nito, iniulat din ng mga awtoridad ang malaking tagumpay ng selebrasyon at kung paano nila ito nagawa sa maayos at mapayapang pamamaraan.

Pinangunahan nina Mayor Honey Lacuna, Vice Mayor Yul Servo at City Administrator Bernie Ang, pati na ang mga residente nito, lalo na ang Chinese-Filipino communities, ang pagsalubong sa ‘Year of the Wood Snake’ hatinggabi noong Enero 28, pati na ang pagdaraos ng ‘Solidarity Parade’ sa mismong araw ng Chinese New Year na pumatak ng Enero 29, 2025. Sina Lacuna at Ang ang chair at vice chair ng Manila Chinatown Development Council (MCDC).

Sinabi ni Ang, siyang pinakanamuno sa dalawang araw na festivities, patuloy ang pagpapadala ng Chinese organizations at embassies ng mga congratulatory messages sa liderato ni Lacuna sa matagumpay na pagdaraos ng ayon sa kanila ay “grandest celebration” ng Chinese New Year sa bansa na ginawa sa Manila Chinatown, ang tinaguriang pinakamalaki at pinakamatanda sa buong mundo.

Ayon kay Ang, ang 25-minute musical fireworks and drone show na ginawa sa Chinese-Filipino Friendship Bridge sa kabila ng Jones Bridge na nagsilbing viewing deck at lugar kung saan ginawa ang programa bago ang Chinese New Year countdown, ay humakot ng tinatayang halos isang milyon katao sa tulay at maging sa paligid pa lamang nito kabilang na ang esplanade, riverside at mismong Chinatown.

Naroon din sa selebrasyon sina Congressman Joel Chua (3rd district, Manila) at city councilors; Manila-China Cultural Affairs Office (MCCAO) head Ati Co; MCDC executive director Willord Chua; mga miyembro ng Filipino-Chinese Youth Business Association sa pamumuno ng founding President Peter Zhuang ng MCCAO, Federation of Filipino Chinese Chambers of Commerce and Industry, Inc. (FFCCCII) President Cecilio Pedro at Manila Chinatown Barangay Organization head Jefferson Lau, at iba pa. (JESSE KABEL RUIZ)

37

Related posts

Leave a Comment