KINUMPIRMA ng Department of the Interior and Local Government at maging ng pamunuan ng Philippine National Police, ang pagkasawi ng isang active police colonel sa nangyaring mid-air collision sa pagitan ng isang commercial plane at isang Black Hawk Helicopter ng U.S. Army sa may Potomac river sa Washington.
Ayon kay DILG Secretary Jonvic Remulla kahapon, isang PNP Police officer ang kabilang sa mga nasawi sa nangyaring collision ng isang American passenger jet at US military chopper malapit sa Reagan airport sa Amerika noong Miyerkoles ng gabi, Enero 29.
Inihayag ng PNP ang pagkakakilanlan ng nasawing Pilipino sa insidente matapos na magpahatid ng pakikiramay sa pagpanaw ni Police Colonel Pergentino Malabed, Chief of the Supply Management Division na nasa official mission.
Si Col. Malabed ay kabilang sa mga sakay ng American Airlines flight na bumangga sa US Army Black Hawk helicopter malapit sa Reagan National Airport habang naghahandang lumapag.
Sa isang press conference, tinukoy ni PNP Spokesperson Lt. Col. Randulf Tuano, ang nasawing si Col. Malabed Jr., PNP chief of Supply Management Division, ay nagtungo sa India para sa pre-delivery inspection ng mahigit 2,000 units ng all-purpose vests.
Bitbit ang limang pirasong vest ay nagtungo ng U.S. si Col. Malabed para dalhin sa kumpanyang gumagawa ng vest sa Kansas para sa final testing.
“Si Col. Malabed po ay may kasama siyang isang PNCO at isang NUP. Meron po silang foreign travel authority upang pumunta sa India for inspection po ng 2,675 na armored vests na bibilhin ng PNP. Siya po ay nakarating sa India last January 22 from Manila,” ani PNP Public Information chief, Colonel Randulf Tuaño.
Mula Kansas ay nakatakdang magtungo si Malabed sa Washington D.C. para mag-courtesy call kay Police Attaché Colonel Moises Villaceran, Jr. base na rin sa direktiba ng higher headquarters.
“Yung papunta ng Manila to India kasama niya [ang dalawang staff]. From India to Kansas, USA, umalis po sila ng January 27. Ang usapan nila, resources ang pinag-uusapan, instruction sa kanila ng director ng logistics ay mag-courtesy call o exit call si Col. Malabed kay Gen. Moises Villaceran, ang ating police attaché sa Washington,” ani Tuano.
Wala pa namang inilalabas sa ngayon na opisyal pahayag o kumpirmasyon ang Embahada ng Pilipinas sa Washington D.C. kaugnay sa pagkasawi ng isang Pilipino, dahil kailangan muna umano ng kumpirmasyon ng pamilya ng mga nasawi.
Nakilala lamang umano ang nasabing opisyal base sa manifesto at sa nakuhang passport ng Washington Police.
Nauna nang kinumpirma ni US President Donald Trump kahapon na walang survivor o nasawi ang lahat ng 67 katao na sakay ng dalawang sasakyang panghimpapawid na itinuturing ng deadliest US air disaster sa loob ng mahigit 20 taon. (JESSE KABEL RUIZ)
