ITINUTURING ng Malakanyang na isang “diversionary tactic” ang kumalat na ulat na naaresto na si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa, at iginiit na layunin umano nitong ilihis ang atensyon ng publiko mula sa impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, dapat maging mapanuri ang publiko at tiyaking beripikado ang pinagmumulan ng mga impormasyong kumakalat sa social media.
Aniya, ang mga kumakalat na post ay walang sapat na konteksto at mistulang bahagi lamang ng pagtatangkang ilihis ang usapin mula sa mga inilabas na ulat ng Commission on Audit (COA) kaugnay ng confidential funds ng Office of the Vice President at Department of Education.
Nauna nang pinabulaanan ng Philippine National Police (PNP), Department of Justice (DOJ) at National Bureau of Investigation (NBI) ang ulat na nasa kustodiya na ng pamahalaan si Dela Rosa.
Magugunitang nagtago si Dela Rosa matapos maglabas ng warrant of arrest ang International Criminal Court (ICC) laban sa kanya.
Nasa Mindanao Pa
Tinawag namang “fake news” ni Department of the Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla ang mga ulat na naaresto na si Dela Rosa.
Sa ambush interview sa Quezon City, sinabi ni Remulla na batay sa impormasyong kanilang natanggap, nasa Mindanao pa ang senador.
Ayon sa kalihim, patuloy ang koordinasyon ng pamahalaan sa DOJ at iba pang law enforcement agencies kaugnay ng pagtugis kay Dela Rosa.
Tiniyak din niya na magiging transparent ang pamahalaan sakaling maaresto ang senador at susundin ang tamang legal na proseso bago ito iharap sa korte at isailalim sa kaukulang hakbang.
Samantala, sinabi ni Department of Justice Secretary Frederick Vida na wala siyang impormasyon hinggil sa kumalat na balitang naaresto na si Dela Rosa.
Ayon kay Vida, usapin ito ng law enforcement at wala pa ring naipararating sa kanya maging ang National Bureau of Investigation.
Nilinaw rin niya na saka lamang papasok ang papel ng DOJ kapag naisagawa na ang pag-aresto, at tumanggi siyang magkomento kung magiging katulad ito ng naging proseso sa pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
(CHRISTIAN DALE/TOTO NABAJA/JULIET PACOT)
59 