TINAWAG na “lutong Macau,” “drama series,” at “basura” ng ilang mambabatas ang kauna-unahang impeachment complaint na isinampa laban kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Ayon kay Davao City Rep. Paolo “Pulong” Duterte, kapansin-pansin umano na ang naghain ng impeachment complaint na si Atty. Andre De Jesus ay abogado rin ni First Lady Liza Araneta-Marcos sa disbarment case laban kay dating Biliran Rep. Glen Chong.
Sa kanyang social media post, nagpahayag ng pagkadismaya si Duterte at iginiit na tila may iisang “pattern” sa mga pangyayari.
“Kita naman ta sa papeles. Kita naman ta sa mga pangalan. Kita naman ta sa pattern.
Pero imbes imbestigasyon, diversion ang gi-serve: impeachment na lutong-macau, disbarment na pang-sideline,” ani Duterte.
Dagdag pa niya, ang layunin umano ng mahinang impeachment complaint ay idiskaril ang mas seryosong reklamo upang magkaroon ng isang taong immunity ang Pangulo laban sa iba pang kaso.
Giit pa ni Duterte, kung tunay ang hangarin na may managot, dapat umanong ituon ang reklamo sa nawalang pondo ng bayan dahil sa katiwalian sa flood control projects, at hindi sa aniya’y pampulitikang drama.
Imee: Drama Series
Itinuring naman ni Sen. Imee Marcos ang impeachment complaint bilang isang “drama series” na posibleng tumagal ng isang taon.
“Isa na namang drama series na mukhang tatagal ng isang taon. Kilala naman natin kung sino ang nag-file at kung ano ang background,” ani Marcos.
Inamin ng senadora na hindi pa niya lubos na nababasa ang reklamo dahil aniya’y natatawa siya sa anyo nito.
“Hindi ko nabasang maigi kasi natatawa ako sa itsura. Masyadong obvious na drama series. Parang pelikula na napanood na natin,” dagdag niya.
Umusad sa Kamara
Samantala, pormal nang umusad ang impeachment complaint matapos ipadala ng Office of the Secretary General ng Kamara ang reklamo sa tanggapan ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III.
Kinumpirma ni House Secretary General Cheloy Garafil na isinagawa ang hakbang alinsunod sa umiiral na proseso.
“The initial step is meant to preserve order and due process,” ayon kay Garafil.
Ang reklamo ay inihain noong Enero 19, 2026 at inendorso ni Pusong Pinoy Party-list Rep. Jett Nisay.
“Basura” – Kamara
Tinawag naman ni Caloocan City Rep. at Deputy Minority Leader Edgar Erice na “basura” ang impeachment complaint.
Ayon kay Erice, ang 15-pahinang reklamo ay walang sapat na ebidensya at nakabatay lamang sa mga news article.
“Wala ito sa porma at substance. Kahit ako na miyembro ng minorya, hindi ako magdadalawang-isip na i-dismiss ito sa committee level pa lang,” ani Erice.
Palasyo: Walang Sabwatan
Bilang tugon, mariing itinanggi ng Malacañang ang paratang na palabas lamang ang impeachment complaint.
Ayon kay PCO Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, hindi totoo na may kinalaman ang Pangulo o ang Unang Ginang sa paghahain ng kaso.
“Ang First Lady ay hindi nagsasampa ng disbarment case. Kung nagsampa man si Atty. De Jesus, ito ay sariling desisyon niya at hindi niya nirerepresent ang Unang Ginang,” ani Castro.
Dagdag pa niya, hindi rin makabubuti sa Pangulo at sa ekonomiya ng bansa ang masampahan ng impeachment complaint.
Bukod dito, ayaw na rin umanong pag-aksayahan ng panahon ng Palasyo ang mga patutsada ni Sen. Imee Marcos.
“Hindi namin nais komentuhan ang mga kwentong walang basehan, puro hula, puro insinuations, at kung ito ay nagmumula sa mga taong may tunay na kinikilingan,” ani Castro.
Ito ang kauna-unahang impeachment complaint na inihain laban kay Pangulong Marcos Jr. mula nang maupo siya sa pwesto, kasabay ng mga usap-usapang muling pagbubukas ng impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte na may due date sa Pebrero 6, 2026.
(BERNARD TAGUINOD/DANG SAMSON-GARCIA/CHRISTIAN DALE)
47
