UMAKYAT na sa 380 ang kumpirmadong COVID -19 cases sa bansa matapos makapagtala ng 73 na bagong kaso sa loob lamang ng magdamag.
Nabatid kay Health Undersecretary Ma. Rosario Vergeire, 380 na ang confirmed COVID-19 cases sa bansa hanggang ngayong umaga lamang ng Linggo, mula sa dating 307 kaso na naitala nila hanggang 4:00 ng hapon ng Sabado.
Ang mga pasyente aniya ay binigyan ng patient ID number na PH308-PH380.
Samantala, kinumpirma rin ni Vergeire na nadagdagan ang bilang ng mga namatay dahil sa sakit sa nakalipas na magdamag.
Iniulat niya na mula sa 19 lamang nitong Sabado ng hapon ay nating 25 na nitong Linggo ng umaga.
Ang magandang balita naman aniya ay nadagdagan rin ng dalawa ang bilang ng mga nakarekober o gumaling mula sa karamdaman na naging 15 na, mula sa dating 13 pasyente.
May apat na senior citizen na rin aniya ang nakabilang sa mga nakarekober sa karamdaman, na isang magandang balita para sa lahat.
Paglilinaw naman ni Vergeire, hindi biglaan ang pagtaas ng mga kaso ng sakit, kundi mas bumibilis na lamang aniya ang paglalabas ng resulta ng mga pagsusuri sa ngayon.
Nakakahabol na rin aniya kasi sila sa backlog nitong mga nakalipas na araw dahil na rin sa pag-stabilize ng kanilang kapasidad at pagdami ng mga laboratoryong nagsasagawa ng mga pagsusuri. D. ANIN
187 