KINUMPIRMA kahapon ng Armed Forces of the Philippine (AFP) na kasama sa target ng inilunsad na tactical operation ng Philippine Army (PA) at Philippine Air Force (PAF) ang ilang major personality ng nalalabing mga kasapi ng komunistang New People’s Army (NPA) na pakay pa rin sa continuous hot pursuit operation ng militar.
Ayon kay AFP spokesperson Colonel Francel Margaret Padilla, malaking grupo ang babanggain ng Philippine Army, kabilang ang ilang mga ‘high value target’ kaya humingi ang ground troops ng air artillery support mula sa PAF.
Kinumpirma ni Lieutenant Colonel Francisco Garello, spokesperson ng Army 4th Infantry Division na nasa 50 gerilyang NPA ang pakay ng kanilang operation sa Cabanglasan sa Bukidnon.
“Ang target natin doon ay iyong mga element and leadership ng North-Central Mindanao Committee, na around 60 members noong group at isa sa mga factor, that’s why our troops na on the ground requested air support na critical to the attainment ng victory during that time po,” paglilinaw ni Col. Garello.
Subalit wala pang inulat na bilang ng mga casualty sa panig ng NPA kasunod ng isinagawang air at ground assault dahil nagpapatuloy pa umano ang ginagawang pagtugis sa mga tumatakas na kalaban.
“We are conducting pursuit operations, we have different combat groups around the encounter site, sa mga vicinity ng encounter site, so as to thoroughly scour iyong ating mga area na kung saan possible na nagwithdraw ang mga kalaban,” dagdag ng opisyal.
Naniniwala ang militar na napilayan nila ng husto ang hanay ng communist terrorist group (CTG) bunsod ng ilang high powered firearm na nakuha malapit sa target area.
Patuloy na sinusuyod ng mga sundalo ang kagubatan at maging ang mga kalapit na barangay na maaaring pagkublihan ng mga tumatakas na NPA. (JESSE KABEL RUIZ)
