MOTORSIKLO NASABITAN, MAY-ARI NAMARIL

LAGUNA – Sugatan ang isang motorcycle rider matapos na pagbabarilin ng may-ari ng isa ring motorsiklong kanyang nasabitan habang nagpa-park sa isang gasolinahan sa Brgy. Makiling, Calamba City noong Miyerkoles ng madaling araw.

Ayon sa report ng pulisya, dakong alas-4:30 ng madaling araw, galing sa inuman ang biktimang si alyas “Ken” at isa niyang kaibigan at pauwi na sa kanilang bahay nang maisipan nilang bumili ng pagkain sa tindahan sa gasoline station.

Ngunit habang inaatras ng biktima ang motorsiklo para mag-park, aksidente niyang nasabitan ang motorsiklo ng tatlong lalaking nasa gasolinahan.

Agad naman itong humingi ng paumanhin kaya umalis ang tatlong lalaki, ngunit pumuwesto lamang pala ang mga ito sa hindi kalayuan at nang dumaan sa tapat ang dalawa, bigla na lamang bumunot ang isa sa tatlong lalaki ng isang maikling baril at pinaputukan ng tatlong beses ang biktima.

Tinamaan ang biktima ng bala sa kanang ibabang likod at kanang ibabang tiyan.

Tumakas ang mga suspek patungo sa national highway ng Barangay Milagrosa, Calamba City, Laguna.

Dinala naman ang biktima sa JP Rizal Hospital para malapatan ng lunas.

Kasalukuyang nagsasagawa ng follow-up at manhunt operations ang mga awtoridad para matukoy at maaresto ang mga suspek. (NILOU DEL CARMEN)

15

Related posts

Leave a Comment