TAYTAY, Rizal – Nais ng libo-libong pamilya mula sa resettlement areas na ibukod na lamang ang kanilang lugar hindi rin naman anila sila nakakalinga ng kanilang barangay.
Bunsod nito, naghain ng isang panukalang ordinansa ang isa sa mga miyembro ng Sangguniang Bayan upang isulong ang kahilingan ng dalawang samahan ng mga residente sa gawing east at west bank ng Floodway area na mahiwalay na sa Barangay San Juan.
Sa isang post sa Facebook, kinumpirma ni Sangguniang Bayan presiding officer at Vice Mayor Mitch Bermundo ang nasabing hakbang.
Aniya, malugod nilang tatalakayin ang hiling ng mga samahan ng mga residente sa nasabing barangay kasabay ng pagtitiyak na agad silang magsasagawa ng konsultasyon hinggil dito.
Suportado naman ng lokal na pulisya ang panukalang hatiin ang Barangay San Juan para na din umano mas madali nilang matutukan ang kaayusan at kapayapaan sa nasabing lugar.
Batay sa tala ng lokal na pamahalaan, mayroon lamang silang limang barangay at ang Barangay San Juan ang pinakamalaki sa aspeto ng lawak at populasyon.
Wala naman naging pagtutol sa bahagi ng punongbayan.
Ayon kay Mayor Joric Gacula, pasok naman sa mga criteriang itinatadhana ng Local Government Code ang paghahati ng Barangay San Juan.
Dagdag pa niya, ang nasabing hakbang ay bunsod na rin ng ipinalabas na memorandum circular ng Department of Interior and Local Government na nagtatakda ng 2,000 kataong populasyon para sa isang “ideal barangay.”
Batay sa 2015 census, ang Barangay San Juan ay mayroong populasyong hindi bababa sa 103,343 katao at sumasakop sa lupaing may sukat na 1,490 ektarya.
Ayon pa sa alkalde, panahon na para madagdgan ang bilang ng kanilang barangay lalo pa’t panahon pa ng mga Kastila nang itakda ang pagkakaroon ng limang baryo ng kanilang bayan.
“Taytay still has only five barangays since the late period of the Spanish era. This political subdivision remains the same even though Taytay consistently ranks among the top municipalities throughout the country in terms of economic development and status and population density. Taytay conspicuously has the fewest barangays throughout the country. Today there is a clamor from its citizens for the creation of more barangays for better coordination and management of its huge terrain and growing population,” saad ni Gacula sa isang pahayag. (FERNAN ANGELES)
