BIBIGYAN ng Kongreso ng dagdag na kapangyarihan ang Commission on Election (Comelec) para masala ang certificate of candidacy (COC) ng mga kandidato bago ito tumakbo sa anomang posisyon sa gobyerno.
Sa House Bill (HB) 2735 o Enhanced COC Documentary Requirements Act of 2025″ na inakda ni Bagong Henerasyon party-list Rep. Robert Nazal, hindi na ministerial lamang ang gagampanan ng Comelec sa pagtanggal ng COCs ng mga kandidato.
Upang maisatuparan ito, pinaamyendahan ng mambabatas ang Section 76 ng Omnibus Election Code kung saan bubusiin nang husto ang documentary requirements na kailangang isumite ng mga kandidato sa paghahain ng kanilang COC.
“The first set of mandatory documentation includes the authenticated copy of the candidate’s birth certificate or a judicially recognized substitute document, verifiable proofs of residence, a certificate of good moral character from the barangay of residence, and other documents as the Comelec may prescribe,” ani Nazal.
Kailangang bubusiin muna ng Comelec ang mga dokumentong ito para sila isama sa listahan ng mga kandidato hindi tulad ngayon na ang tanging trabaho ng komisyon ay tanggapin ang ihahaing COC sa kanila dahil ministerial lamang umano ang kanilang papel.
Hiniling aniya ni Comelec chairman George Garcia sa Kongreso na bigyan din ng otoridad na tanggihan ang COCs kung hindi kumpleto o pinatotohanan ang mga dokumentong ipinasusumite sa mga kandidato.
Dahil dito, inihain ang nasabing panukala upang magkaroon ng kapangyarihan ang komisyon na tanggihan o ibasura ang COC ng mga kandidato na hindi makaka kumpleto ng dokumento upang masiguro na tanging ang mga nararapat ang papayagang tumakbo.
“Prescribe administrative, civil, and criminal sanctions against candidates or persons who knowingly submit false, spurious, or tampered documents, or who willfully omit material facts in order to mislead the Commission or gain undue advantage in the electoral process; ” ayon pa sa nasabing panukala.
(BERNARD TAGUINOD)
36
