NADAKIP ang isang 44-anyos na lalaki makaraang umano’y pasukin nito sa kuwarto ang 19-anyos niyang kapitbahay at hinalay ito sa Sta. Mesa, Manila nitong Lunes ng madaling araw.
Agad namang nagsumbong ang biktima kasama ng kanyang ama, sa barangay officials na siyang nag-ulat ng insidente sa Sta. Mesa Police Station 8.
Mabilis namang nadakip ang suspek na si alyas “Eliot”, 44-anyos, ng nagrespondeng mga pulis.
Base sa ulat ni Police Staff Sergeant Marebel Clarite ng Women’s Desk, bandang alas-5:30 ng madaling araw nang maalimpungatan umano ang biktima nang maramdamang may nakapatong sa kanyang katawan.
Bunsod nito, itinulak ng biktima ang suspek at nagkulong sa kanilang CR.
Nang mapansing umalis na ang suspek ay mabilis na nagsumbong ang biktima sa kanyang ama na humingi naman ng tulong sa barangay officials.
Iniulat naman ng barangay officials ang insidente sa himpilan ng pulisya na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek.
(RENE CRISOSTOMO)
