RIZAL – Patay ang isang lalaking dating nakulong dahil sa pagkakasangkot sa bentahan ng ilegal na droga, makaraang pagbabarilin sa kanyang bahay sa Brgy. Mambugan, Antipolo City noong Martes ng gabi.
Nalagutan ng hininga habang nilalapatan ng lunas sa ospital ang biktimang kinilalang si Regalado Catanyag Jr., 46-anyos.
Ayon sa ulat ng Antipolo Police, bandang alas-10:45 ng gabi, nagpapahinga ang biktima sa kanyang bahay nang biglang dumating ang dalawang armadong lalaki at pinaputukan ito.
Agad ding tumakas ang mga suspek patungo sa hindi matukoy na lokasyon matapos ang pamamaril.
Dinala naman ng isang concerned citizen ang biktima sa Mambugan Hospital at inilipat sa Amang Rodriguez Hospital ngunit nalagutan ng hininga.
Natuklasan din sa imbestigasyon na ang biktima ay naaresto noong Oktubre 29, 2020 dahil sa paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002), at inilipat sa BJMP-Antipolo noong Mayo 12, 2022.
Nagsasagawa ng follow-up investigation ang mga imbestigador para sa posibleng pagdakip sa dalawang hindi pa nakikilalang mga suspek. (NILOU DEL CARMEN)
