SA kabila ng paghihigpit sa mga pantalan, nanatiling agresibo ang operasyon ng mga sindikato sa likod ng cigarette smuggling sa gawing katimugan ng bansa – bagay na tinumbasan ng mas mataas na antas ng sigasig ng tanggapan ng Bureau of Customs (BOC) sa Davao.
Sa ulat ni Port of Davao District Collector Erastus Sandin Austria kay Acting Customs Commissioner Yogi Filemon Ruiz, ibinida ang tumataginting na P85 milyong halaga ng smuggled na sigarilyong kinumpiska ng pinamumunuang distrito mula Enero hanggang sa pagtatapos ng buwan ng Setyembre – pinakamataas sa hanay ng 17 district collection offices ng kawanihan.
Batay sa datos ng BOC-Davao, umabot na sa P101.78 milyon ang kabuuang halaga ng nabulilyasong kontrabando, kabilang ang nasa P15.3 milyong halaga ng mga sasakyan at P1.25 milyong halaga ng mga agricultural product.
Kumpara sa P38.84 milyong halaga ng mga nasamsam na kargamentong naitala noong nakaraang taon, lumalabas na milya-milya ang agwat ng sigasig ng kampanya ng BOC-Davao laban sa smuggling sa nasasakupang distrito.
Para sa taong 2021, smuggled yosi pa rin ang pinakamarami sa mga kinumpiska ng BOC-Davao – P24.133 milyon, habang nasa pangalawang pwesto ang agri-products na may kabuuang halagang P10.127 milyon. Nasa ikatlong pwesto naman ang mga kemikal na may halagang P2.73 milyon, kasunod ang ukay-ukay, gamot, cosmetic products at general merchandise.
Para kay Austria, malaking bentahe sa kampanya kontra smuggling ang pakikipagtulungan ng Philippine National Police (PNP), Philippine Coast Guard (PCG) at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Gayunpaman, aminado ang nasabing opisyal na sayang mahirap pigilan ang cigarette smuggling lalo na’t mabilis aniyang kumakalat sa merkado ang mga pinuslit na sigarilyo.
“‘Pag nasa merkado na, mahirap tukuyin kung alin ang legal at alin ang hindi – maliban na lang kung makita mo sa item mismo kung saan nagmumula,” aniya.
