NAGSAGAWA ng press conference sa Senado si dating chief justice Maria Lourdes Sereno kaugnay ng agam-agam nito sa Comprehensive Sexuality Education (CSE) program ng DepEd. (DANNY BACOLOD)
BUKAS ang pamunuan ng Department of Education (DepEd) sa anomang mungkahi kaugnay sa viral video na tumatalakay sa Comprehensive Sexuality Education (CSE) program na inihain sa Senado.
Tinukoy ni DepEd Secretary Sonny Angara ang video na ipinalabas ng Project Dalisay Facebook page sa ilalim ng National Coalition for the Family and the Constitution (NCFC) kung saan tinututulan ng mga kilalang personalidad ang ilan sa mga probisyon sa nasabing programa.
Isa na rito si former chief justice Maria Lourdes Sereno, na nagsabing “gigisingin nito ang sekswalidad ng mga kabataan sa murang edad.”
“Isa itong internasyonal na programa na itinataguyod ng UNESCO (United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization), UNFPA (United Nations Population Fund), at ng UNICEF (United Nations Children’s Fund), ayon pa kay Sereno na siya ring chairperson ng Philippine Council of Evangelical Churches Legal Advisory and Public Policy Review Commission.
Ilan pa sa mga sapilitang probisyon ng nasabing panukala ay isasama sa diskusyon sa silid-aralan ang tungkol sa masturbation mula edad 0-4, anal at oral sex para sa edad 16-18 at pakikipagkasundo sa pakikipagtalik.
“Hindi pa nga marunong tumawad sa palengke iyong mga anak natin pero ang ituturo natin is how to negotiate sex,” dagdag pa ni Sereno.
“Sisirain [nito] iyong pagka-inosente nila. Maraming gigisingin na mga bagay na hindi pa dapat ginigising,” ayon naman kay NCFC national director Caloy Diño.
Ngunit ayon kay Angara, titiyakin ng Kagawaran na pangunahin nilang tututukan ang kalusugan at kapakanan ng mga kabataan kung saan malaki ang gagampanang papel ng DepEd sa paghubog ng kakayahan sa buhay, pagpapahalaga sa sarili at kabutihang asal.
Ang CSE ay inilakip sa Senate Bill No. 1979 o Prevention of Adolescent Pregnancy Act of 2023 kung saan isa si Angara sa mga awtor kasama sina Senador Risa Hontiveros, Imee Marcos, Ramon Revilla, Jr., Bong Go, Cynthia Villar at Raffy Tulfo. (NEP CASTILLO)
