ISINUSULONG ni House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III ang pagsasama ng digital literacy sa batayang edukasyon habang nagpapatuloy ang pagtalakay ng Technical Working Group (TWG) ng House Committee on the Welfare of Children sa mga panukalang batas kaugnay ng online safety at regulasyon sa paggamit ng social media ng mga menor de edad.
Ayon kay Dy, mahalagang sabayan ng edukasyon ang regulasyon upang higit na maprotektahan ang mga batang Pilipino sa digital na mundo.
Ang TWG, na pinamumunuan ni Pasig City Rep. Roman T. Romulo, ay nagpapatuloy sa pagtalakay sa mga komento at mungkahing rebisyon sa iba’t ibang panukalang batas na may kaugnayan sa online safety at proteksyon ng mga bata sa internet.
Layunin ng grupo na mapag-isa ang magkakaibang panukala hinggil sa regulasyon sa paggamit ng social media ng mga menor de edad.
Magkakaiba ang mga panukalang isinasaalang-alang ng TWG pagdating sa age restrictions, kung saan may mga mungkahing ipagbawal ang paggamit ng social media sa mga batang wala pang 13 taong gulang habang may iba namang nagsusulong ng restriksyon para sa lahat ng wala pang 18 taong gulang.
Kabilang sa mga panukalang tinatalakay ang House Bill No. 9965 na inihain ni Speaker Dy kasama si House Majority Leader at Ilocos Norte 1st District Rep. Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos.
Sa ilalim ng panukala, ipagbabawal ang pagkakaroon ng social media account ng mga batang wala pang 13 taong gulang habang papayagan naman ang mga edad 13 hanggang wala pang 18 taong gulang na gumamit nito kung may pahintulot at patuloy na paggabay ng kanilang mga magulang.
Sinabi ni Dy na kinikilala ng panukala na ang pinakamabisang paraan upang maprotektahan ang mga bata ay ang pagbibigay sa kanila ng sapat na kaalaman at kasanayan upang maging responsable sa paggamit ng digital technology.
“Hindi po natin puwedeng iasa sa pagbabawal lamang ang kaligtasan ng ating mga anak. Kung tinuturuan natin silang magbasa at magsulat, sa panahon ng social media ay dapat din natin silang turuan kung paano makilala ang kasinungalingan at maling impormasyon sa internet,” ani Dy.
Sa ilalim ng HB 9965, isasama ng Department of Information and Communications Technology (DICT), katuwang ang Department of Education (DepEd), ang aralin sa Digital Literacy and Ethical Use of Social Media sa K to 12 curriculum.
Layunin nitong turuan ang mga mag-aaral na suriin ang impormasyong kanilang nakikita online, maunawaan ang epekto ng mga algorithm sa nilalamang ipinapakita sa kanila, matukoy ang cyberbullying at online exploitation, at maging responsableng digital citizens.
“Ang pinakamalaking panganib ay hindi lamang kung ano ang nakikita ng ating mga kabataan sa social media, kundi kung ano ang paulit-ulit na pinipiling ipakita sa kanila ng mga algorithm,” dagdag ni Dy.
Inaatasan din ng panukala ang DICT na magsagawa ng regular na pagsasanay para sa mga guro at information seminars para sa mga magulang at mga batang wala pang 18 taong gulang upang mapalakas ang digital safety sa paaralan at tahanan.
Ayon kay Dy, hindi layunin ng panukala na ilayo ang mga bata sa teknolohiya kundi tiyaking hindi sila magiging biktima nito.
Ang HB 9965 ay bahagi ng mga hakbang ng liderato ng Kamara upang makabuo ng komprehensibong balangkas para sa kaligtasan ng mga bata sa online na mundo sa pamamagitan ng age-appropriate regulation, mas mahigpit na pananagutan ng mga social media platform, aktibong partisipasyon ng mga magulang at pagpapalawak ng digital education.
36 