TINIYAK ng Department of Justice (DOJ) na may sapat na operational independence ang National Bureau of Investigation (NBI) sa isinasagawang imbestigasyon kaugnay ng umano’y mga iregularidad sa 2019 Southeast Asian Games.
Ito ang tugon ng DOJ sa pahayag ni Senador Pia Cayetano na kuwestiyonable umano ang timing ng imbestigasyon ng NBI.
Ayon kay DOJ Spokesperson Atty. Polo Martinez, ang mga aksyon ng NBI ay nakabatay lamang sa mandato nito at sa rule of law.
Kumpiyansa aniya ang DOJ na gagampanan ng NBI ang tungkulin nito nang may propesyonalismo, integridad at kalayaan alinsunod sa inaasahan ng publiko.
Binigyang-diin pa ni Martinez na bagama’t attached agency ng DOJ ang NBI, mayroon itong sapat na operational independence upang magsagawa ng mga imbestigasyon sa mga usaping saklaw ng batas.
Ayon pa sa opisyal, iginagalang ng DOJ ang mandato at awtoridad ng NBI na magsagawa ng mga imbestigasyon, maging ito man ay batay sa referral o motu proprio.
(JULIET PACOT)
48 