DISASTER RESPONSE TEAM NG RIZAL PNP KASADO NA SA BAGYONG UWAN

KASADO na ang disaster response team ng Rizal Police Provincial Office (PPO) bilang paghahanda sa pagdating ng Bagyong Uwan na may potensyal na maging isang super typhoon.

Pinangunahan ni PCol. Feloteo Gonzalgo, provincial director ng Rizal PNP, ang isinagawang programa para sa disaster preparedness sa Camp MGen. Licerio Geronimo sa Taytay, Rizal, nitong Linggo ng umaga.

Kalakip sa nasabing programa ang pre-disaster risk assessment, koordinasyon sa local government units (LGUs) at pagbuo ng mga disaster risk reduction council.

Sa kanyang pahayag sinabi ni Gonzalgo, kailangan nilang maging proactive sa mga kinakailangang gawin at maging handa lalo na ang mga tauhan na gaganap sa assistance and rescue.

Pinag-usapan din ang mga protocol sa disaster response, deployment planning, close coordination sa local Disaster Risk Reduction Management Offices (DRRMOs) at paalala sa kaligtasan, hindi lamang ng publiko kundi pati na rin ng uniformed personnel.

Layon ng inisyatibang ito na tiyakin din ang pagtutulungan at koordinasyon ng police units at partner agencies para makapaghanda sa agarang tulong sa emergency situations.

Ibinida rin ni PMaj. Joel Alvarez, acting chief ng Provincial Operations Management Unit (POMU), ang iba’t ibang rescue teams, medical units, quick reaction forces, mga kagamitan sa pag-rescue tulad ng rescue vehicles at ang watercraft mula sa Provincial Mobile Force Company (PMFC).

(NEP CASTILLO)

103

Related posts

Leave a Comment