PATUNG-PATONG na kasong kriminal ang isinampa ng National Bureau of Investigation (NBI) laban sa isang administrative officer ng Department of Justice (DOJ) dahil sa umano’y paglihis ng hindi bababa sa P12 milyon na pondo ng publiko.
Kinumpirma ito ng tagapagsalita ng NBI na si Palmer Mallari, na nagsabing nag-ugat ang kaso sa mga iregularidad sa payroll ng mga regional prosecutor.
Sa panayam sa media noong Sabado, Disyembre 27, sinabi ni Mallari na ang anomalya ay unang nadiskubre ng DOJ Payroll Section, na agad nagsumite ng kumpletong dokumento sa NBI para sa imbestigasyon.
“Naiulat ng DOJ Payroll Section na may mga iregularidad sa paghahanda ng payroll ng mga regional prosecutor, at nang makumpleto ang mga dokumento, ito ay isinangguni sa NBI para sa imbestigasyon,” ani Mallari.
Ayon pa sa NBI, minanipula umano ng suspek ang sistema sa pamamagitan ng paggamit ng mga ‘mule account’ at muling pag-activate ng payroll accounts ng mga retirado, nagbitiw, at hindi na aktibong prosecutor upang mailipat ang mga benepisyo.
“Dahil siya ang may hawak ng payroll, nagawa niyang i-reactivate ang mga account at ilipat ang mga benepisyo papunta sa mga ilegal na mule account,” dagdag ni Mallari.
Noong Disyembre 22, pormal na inihain ng DOJ ang kaso sa NBI. Sa parehong petsa, nagsagawa rin ang NBI ng entrapment operation sa DOJ Payroll Section sa Maynila matapos makumpirmang ang mga bonus ng gobyerno—kabilang ang Performance Enhancement Incentive (PEI) at Special Recognition Incentive (SRI)—ay na-credit na sa mga account na inuugnay sa suspek.
Kinumpirma ng NBI na ang nasabing DOJ official, kasama ang ilang umano’y kasabwat, ay kinasuhan ng malversation of public funds, qualified theft, graft, at iba’t ibang cybercrime-related offenses.
Sa kasalukuyan, nakakulong na ang mga akusado habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
(JULIET PACOT)
86
