MISTULANG biktima ng kidnap for ransom ang mga Pilipinong naengganyong magtrabaho sa mga scam hub sa ibang bansa gaya ng Cambodia, matapos umanong singilin ng malaking halaga ang kanilang pamilya kapalit ng kalayaan.
Dahil dito, inihain ang House Resolution No. 602 ng Makabayan bloc sa Kamara para imbestigahan ang patuloy na pagdurusa ng mga Pilipinong nasa kamay ng mga Chinese scam syndicate na nakabase sa Cambodia, Myanmar, Laos, at iba pang bansa sa Southeast Asia.
Bagama’t hindi tinukoy sa resolusyon kung ilang Pilipino ang kasalukuyang bihag ng mga sindikato, nabatid na anim (6) na Pinoy ang nakauwi noong Disyembre 14 matapos umanong magbayad ang kanilang pamilya ng halagang itinuturing na ransom.
Ayon sa resolusyon, humihingi ang mga sindikato ng P316,000 hanggang P550,000 kapalit ng pagpapauwi sa bawat Pilipino, dahilan upang mapilitan ang kanilang mga pamilya na magbayad para sa kaligtasan ng kanilang mahal sa buhay.
Lumilitaw rin na na-recruit ang mga biktima bilang mga customer service representative, na pinangakuan ng sahod na $900 hanggang $1,000 kada buwan. Sa halip, dinala sila sa mga scam hub at pinagtatrabaho ng hanggang 15 oras kada araw, may quota pang kailangang maipasok na pera sa sindikato.
Kapag nabigo sa quota, pinarurusahan umano ang mga biktima at binabawasan ang kanilang sahod. Kapag nagkasakit naman, hindi sila pinapagamot. Mas matindi pa, kapag natuklasang humingi sila ng saklolo, ikinukulong umano sila at pinapapanood ng mga video ng torture ng ibang biktima bilang pananakot.
Dahil dito, napipilitan ang mga pamilya na magbayad upang matiyak na makakauwi nang buhay ang kanilang kaanak, kaya nanawagan ang Makabayan bloc ng agarang imbestigasyon sa Kamara.
(BERNARD TAGUINOD)
73
