KINUMPIRMA ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa impeachment trial nitong Huwebes, Oktubre 8, na umabot sa P85.34 milyon ang pinagsamang net income nina Vice President Sara Duterte at ng kanyang asawang si Atty. Manases Carpio mula 2007 hanggang 2025.
Mas mababa ito ng halos P13 milyon sa P98.66 milyong net worth na idineklara ni Duterte sa kanyang 2025 Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN).
Kinumpirma rin ng BIR na may inilabas na Letter of Authority (LOA) na may kaugnayan sa Bise Presidente o sa kanyang asawa, ngunit hindi nito isiniwalat ang mga detalye dahil confidential umano ang naturang dokumento.
Ang BIR official na si Atty. Anne Lorraine Garcia-Marquez ang nagkumpirma sa halaga sa direct examination ni House prosecution counsel Atty. Erwin Matib.
“Based po dito sa summary, ang total po is P85,343,803.23 pesos po,” ani Garcia-Marquez.
Ipinaliwanag niya na ang halagang ito ang net income ng mag-asawa matapos ibawas ang mga gastusin at buwis sa loob ng 19 na taon.
Ayon kay Garcia-Marquez, hinango ang mga summary sa kanilang taunang Income Tax Returns (ITR), dumaan sa dalawang antas ng pagsusuri at siya mismo ang nag-finalize ng mga ito.
Inihambing naman ni Matib ang kabuuang net income sa idineklarang net worth ni Duterte sa kanyang 2025 SALN.
“However, their declared net worth in respondent’s 2025 SALN is P98,656,131 pesos and 20 centavos. So dito pa lang po may gap na, may difference,” ani Matib.
Tinanong naman ni Senate Impeachment Court Presiding Officer Sen. Francis “Chiz” Escudero si Garcia-Marquez kung nag-isyu ang BIR ng LOA laban kay Duterte o kay Carpio.
“In this case, did you issue a letter of authority against either the Vice President or her spouse?” tanong ni Escudero.
“Yes, Your Honor,” sagot ni Garcia-Marquez.
Ang LOA ay awtoridad na nagpapahintulot sa mga revenue officer na suriin ang mga libro at dokumento ng isang taxpayer at kinakailangan bago magsagawa ng audit.
Gayunman, nilinaw ni Garcia-Marquez na maaari lamang kumpirmahin ng BIR kung may inilabas na LOA ngunit hindi maaaring ibunyag ang mga detalye nito.
“But, Your Honor, if I may po, we can only state whether or not may na-issue na LOA. Not the details,” ani Garcia-Marquez.
“…the details po, confidential po ito, so I cannot disclose it in this court,” dagdag niya.
Hindi na nagpilit si Escudero matapos makumpirmang wala ang LOA sa mga dokumentong na-subpoena ng impeachment court.
Hindi rin sinabi ni Garcia-Marquez kung sino sa mag-asawa ang sakop ng LOA, kailan ito inilabas, kung natapos na ang pagsusuri o kung may natuklasang kakulangan sa buwis.
Samantala, iginiit ni Matib na nilabag umano ni Duterte ang Konstitusyon dahil nagpatuloy siyang magpraktis ng abogasya matapos mahalal bilang Bise Presidente at tumanggap pa rin ng professional fees bukod sa kanyang sahod, batay sa rekord ng BIR.
“Nilabag ni VP Sara ang Constitution. Base sa record ng BIR, si VP Sara ay nag-practice ng kaniyang profession at nakatanggap ng professional legal fees at iba pang kita maliban sa kanyang sahod bilang Bise Presidente,” ani Matib.
Sinabi rin ng prosecution na hindi umano maipaliwanag ng naturang kita ang paglaki ng net worth ni Duterte.
“Hindi tugma ang income ni VP Sara at ng kaniyang asawa sa kanilang declared net worth. Base sa record ng BIR, P85.4 milyon ang kanilang kabuuang net income mula 2007 hanggang 2025.
Hindi nito maipaliwanag ang pagtaas ng net worth na umabot ng P98 milyon sa pinakahuling SALN ni VP Sara,” ani Matib.
Iginiit din ng prosecution na may hindi naideklarang cash at iba pang ari-arian ang mag-asawa.
Batay umano sa kanilang audited financial statements, mayroon silang cash balance na P21 milyon noong 2022, P28 milyon noong 2023, P15 milyon noong 2024 at P13 milyon noong 2025.
(TINA MENDOZA)
76 