TINIYAK ng Department of Justice (DOJ) na magiging patas ang imbestigasyon sa reklamong inihain ng Securities and Exchange Commission laban sa pamilya Villar.
Ayon kay Senior Deputy State Prosecutor Peter Ong, na namumuno sa panel, walang sinumang nakikialam sa kanilang proseso.
“We are always fair to everyone. Wala pong nagdidikta sa amin… We just have to do our job,” ani Ong.
Sinabi rin niya na maaga pa upang talakayin ang panawagan ng kampo ng Villar na ibasura ang reklamo dahil hindi pa niya nababasa ang kanilang counter-affidavit.
Itinakda sa Mayo 13 ang pagsusumite ng reply-affidavit ng SEC.
Samantala, nagpahayag ng kumpiyansa si Senador Mark Villar na mababasura ang reklamo dahil umano sa kakulangan ng matibay na ebidensya.
Pinabulaanan ng senador ang alegasyon ng market manipulation, insider trading, at misleading disclosures laban sa kanilang pamilya, kabilang sina Camille Villar, Manuel Paolo Villar, dating Senadora Cynthia Villar, at negosyanteng si Manny Villar.
Ayon sa SEC, inakusahan ang Villar Holding Corp. ng paglabag sa Securities Regulation Code.
(JULIET PACOT)
139 