IMINUNGKAHI ng isang bagitong mambabatas na puntiryahin din ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang mga opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa paniwalang kasabwat ang mga ito sa anomalya sa flood control projects.
Ayon kay Kamanggagawa party-list Rep. Eli San Fernando, kung seryoso talaga si Marcos na may mapanagot sa katiwaliang ito, kailangan niyang iutos agad ang lifestyle check sa lahat ng regional directors at district engineers sa buong bansa.
Bukod dito, iginiit din ng mambabatas na kailangang suriin ang Statement of Assets Liabilities and Networth (SALN) ng mga opisyales na ito at kalkalin din ang kanilang bank accounts.
“Kung seryoso talaga ang administrasyong Marcos na may mapanagot sa mga palpak na flood control projects, ipag-utos niya ito. Walang gustong umamin sa kalokohan sa flood control at infra projects, e di paaminin natin. Sumailalim sa lifestyle check, SALN audit, at pagsusuri ng bank accounts lahat ng regional directors at district engineers ng DPWH,” ani San Fernando.
Wala aniyang dapat ikatakot ang mga opisyales ng nasabing ahensya kung talagang malinis ang mga ito subalit kung matuklasan na sangkot sa katiwalian ay dapat ilantad ang mga ito sa publiko at panagutin.
“Kapag nakita natin sino ang mga tiwaling opisyal na ito, mas magiging madali para sa gobyerno na hanapin ang mga kasabwat nila: maging congressman, senador o sino mang makapangyarihang tao ang pumoprotekta sa kanila,” anang mambabatas.
Naniniwala ang mambabatas na kaya itong gawin ng Pangulo kung gugustuhin nito tulad ng ginawa kina dating pangulong Rodrigo Duterte na naipadala niya sa International Criminal Court (ICC).
“Kung seryoso ang gobyerno laban sa korapsyon, hindi lang dapat puro ocular inspection at papogi sa media. Kailangan makita ng taumbayan ang aktwal na pananagot ng mga opisyal ng DPWH at ng kanilang mga kasabwat na lumalangoy sa pera habang nilulubog ang bayan sa baha. Accountability must not drown in excuses while our communities drown in floods. Mr. President, naghihintay ang taumbayan,” ani San Fernando.
(BERNARD TAGUINOD)
