HINDI naitago ng isang mambabatas ang pagkadismaya sa liderato ng Mababang Kapulungan ng Kongreso dahil mistulang palamuti lang ang papel ng mga Civil Society Organization (CSO) at People’s Organization (PO) sa budget hearing.
Ayon kay Akbayan party-list Rep. Perci Cendaña, walang tumututol na epektibo at reasonable ang partisipasyon ng CSO at PO sa deliberasyon sa pambansang pondo na sinimulan sa pamamagitan ng budget briefing ng mga economic manager ng administrasyon.
“Pero sa memo ng HOR (House of Representatives), wala man lang silang opportunity chumika sa deliberation. Wala ring guarantee na i-integrate ang inputs nila sa proseso,” paliwanag ni Cendaña
“Bench warmers lang ba ang ganap ng mga CSO?,” tanong pa ng mambabatas.
Base sa Memorandum Circular No. 20-002 na inilabas ni House Secretary General Reginald Velasco, nakasaad na pinapayagan ang mga PO at CSOs na dumalo sa lahat ng budget hearing.
Kasunod ito ng pinagtibay na resolusyon na buksan sa publiko ang deliberasyon sa pambansang pondo.
Gayunpaman, hindi isasali ang mga ito sa mismong deliberasyon dahil tanging kongresista lamang ang puwedeng magtanong at magpasok ng amendments sa General Appropriations Bill (GAB).
Small Committee Report
Samantala, kumbinsido si Navotas Rep. Toby Tiangco na walang naisumiteng report ang small committee sa 2025 general appropriations bill (GAB) kung saan naganap umano ang dagdag bawas sa pambansang pondo ngayong taon.
sa interpelasyon ni Tiangco sa pagsisimula ng House committee on appropriations na pinamumunuan ni Nueva Ecija Rep. Mikaela Suansing sa briefing sa 2026 National Expenditure Program (NEP) na nagkakahalaga ng P6.793 trillion, binigyan nito ng 5 minuto ang komite para i-transmit sa lahat ng miyembro ng Kamara ang report ng small committee subalit hindi nangyari.
Ayon kay Suansing, hindi ito kasama sa appropriations committee na bumalangkas sa 2025 House-GAB kaya wala itong ideya kung nagsumite ang small committee ng report subalit tiniyak nito na naging bahagi na ito ng inaprubahang pondo sa kapulungan bago ipinasa sa Senado.
“Meron ba o wala?,” tanong ni Tiangco subalit walang direktang sagot si Suansing at kalaunan ay sinabi nito “again, we will revert back to you Honorable Tiangco. Committee secretary is looking into that. This is something we can discuss internally since this is internal matter of committee on appropriations”.
Ayon sa independent Congressman, mahalagang makita ang report ng small committee para malaman kung anong mga ahensya ang binawasan ng pondo at saan ito inilipat.
Samantala, nais naman ni Akbayan party-list Rep. Chel Diokno na magkaroon ng kasulatan na totohanin ang pangako ng Kongreso na bubuksan ng mga ito sa publiko ang Bicameral conference committee meeting sa 2025 general appropriation bills.
Magagawa aniya ito sa pamamagitan ng pagpapatibay sa Joint Resolution No. 2 na inakda nito kasama sina Akbayan Party-list Representatives Perci Cendana at Dadah Ismula, Dinagat Islands Rep. Arlene “Kaka” Bag-ao, Albay First District Rep. Cielo Krisel Lagman, at Mamamayang Liberal party-list Rep. Leila de Lima.
(BERNARD TAGUINOD)
