SAKA NA SILA MANIWALA

HINDI ko masisisi ang mga tao na ayaw maniwala kay Pangulong Rodrigo Duterte na magreretiro na siya sa pulitika dahil ilang beses na niyang sinabi ito pero hindi nangyari, nakalilimutan, hindi tinutupad.

Unang sinabi ng noo’y Mayor ng Davao City na si Digong na magreretiro na siya sa pulitika noong ­Setyembre 2015 kaya hindi siya naghain ng kanyang certificate of candidacy para sa 2016 presidential election.

Pero bago matapos ang substitution date ay pinalitan niya si Martin Diño bilang presidential candidate ng PDP-Laban at nanalong pangulo at ngayong patapos na ang kanyang termino, muli na naman niyang sinabi na magre-retire na siya sa pulitika.

Saka na lang tayo maniwala na magreretiro na siya sa pulitika pagkatapos ng substitute date deadline sa November 15, dahil puwede na niyang i-substitute si Sen. Bong Go na naghain ng kanyang COC para sa vice-presidential race.

Tandaan natin, ang orihinal na plano ni Go ay tatakbong Pangulo pero biglang naghain ng COC para sa vice presidential derby na unang puntirya ni Digong dahil hindi na siya puwedeng tumakbo sa pagkapangulo.

Baka bahagi ng script ang paghahain ni Go ng kanyang COC na gugulatin ulit tayo sa bandang huli na si Digong pa rin ang itinutulak ng PDP-Laban-Cusi wing dahil ‘yan ang nais ng kanilang partido.

Maraming dahilan para kailangang manatili sa puwesto si Digong at una d’yan ang maiwasan na hindi siya maaresto ng International Criminal Court (ICC) kapag nakakita sila ng probable cause para ipaaresto siya sa bini-build-up na crime against ­humanity laban sa kanya at iutos na arestuhin siya.

Kahit puwedeng makasuhan ang nakaupong vice president tulad ng nangyari kay dating Vice President Jejomar Binay, iba pa rin na nakaupo si Digong kumpara kung wala siyang kapangyarihan.

Matanda na ang pangulo at hindi na nito kakayanin na makulong sa ibang bansa na walang ­regular na dadalaw sa kanya kaya kailangang hindi siya mawala sa kapangyarihan.

Isa pa sa mga dahilan kung bakit hindi sila naniniwala na magre-retire na si Digong sa pulitika ay dahil marami na siyang pangako na magre-resign kapag nagkaroon ng anomalya sa kanyang gobyerno.

Maraming isyu ng katiwalian sa gobyerno at pinakahuli riyan ang pagbibigay ng malaking kontrata sa Pharmally para sa medical supplies kahit wala silang kakayahan dahil bukod sa baguhan pa lang sila sa industriya at wala pa silang sapat na puhunan, pero hindi pa siya nagre-resign.

Hindi rin n’ya tinupad ang pangako niyang sasakay siya ng jet ski para taniman ng bandila ng Pilipinas ang mga reef na inokupahan ng China sa ating teritoryo sa West Philippines.

Joke lang daw ‘yun at istupido ang mga naniwala sa kanya na gagawin niya ‘yun kaya ang tingin din ng marami, baka joke rin na magreretiro na siya nang tuluyan sa pulitika dahil ‘yun daw ang gusto ng mga tao at iginagalang daw niya. Ayaw muna nilang maniwala para hindi sila magmukhang istupido.

Pero puwede natin pagbigyan ang Pangulo. Malay natin totohanin na niya talaga na mag-retire na siya dahil papaano naman niya tutuparin ang mga pangakong hindi niya natupad habang pangulo siya kung spare tire na lang ang papel niya kapag nanalo siyang bise presidente?

Aminin na natin, kapag hindi magkabagang ang pangulo at pangalawang pangulo ay walang gagawin ang huli kundi maghintay na bumaba sa puwesto ang pangulo na hindi nangyayari.

184

Related posts

Leave a Comment