DSWD, HANDA SA PAGTULONG SA MGA EVACUEE SA GITNA NG PAG-AALBURUTO NG TAAL

NAKAHANDA ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na magpaabot ng tulong sa mga pamilyang napilitang lumikas kasunod ng phreatomagmatic eruption ng Bulkang Taal noong gabi ng Oktubre 8.

Ayon kay DSWD Assistant Secretary Irene Dumlao, tagapagsalita rin ng ahensiya at opisyal ng Disaster Response Management Group (DRMG), mahigit 218,000 family food packs (FFPs) ang nakahanda sa iba’t ibang bodega ng DSWD Field Office-CALABARZON para sa mga apektadong komunidad sa Batangas at mga karatig-lugar.

Batay sa ulat ng Disaster Response Operations Monitoring, Information and Communication (DROMIC) noong Oktubre 9, alas-6 ng umaga, mayroon ding mahigit 9,700 non-food items at mahigit 11,100 ready-to-eat food (RTEF) packs na nakapwesto sa mga estratehikong lokasyon sa rehiyon.

Bukod sa mga nakaimbak na relief supplies, maaari ring gamitin ng DSWD ang ₱291.35 milyong Quick Response Fund (QRF) upang matustusan ang mga relief operation kung magpatuloy ang pag-aalburuto ng bulkan.

Sinabi ni Dumlao na alinsunod sa direktiba ni DSWD Secretary Rex Gatchalian, patuloy ang koordinasyon ng ahensiya sa mga lokal na pamahalaan na nagsagawa ng preemptive evacuation dahil sa aktibidad ng Bulkang Taal.

Patuloy rin ang pagbabantay at pakikipag-ugnayan ng DSWD sa mga lugar na apektado ng ashfall, kabilang ang Agoncillo, Lemery, San Nicolas at bayan ng Taal sa Batangas.

Hinimok ni Dumlao ang mga residente sa mga apektadong lugar at karatig-komunidad na manatiling alerto at sumunod sa mga abiso ng kanilang mga lokal na opisyal upang matiyak ang kanilang kaligtasan.

(PAOLO SANTOS)

89

Related posts

Leave a Comment