MEDICAL EVACUATION NG NAVY PERSONNEL SA AYUNGIN SHOAL, GINAMBALA NG CCG

UMABOT sa mahigit walong oras ang medical evacuation sa isang tauhan ng Philippine Navy na nagkasakit habang nakatalaga sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal matapos umanong harangin at gambalain ng China Coast Guard (CCG) ang operasyon.

Kinumpirma ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na ligtas na nailikas at nadala sa pagamutan ang maysakit na tauhan matapos ang operasyon na sinimulan bandang alas-7 ng umaga at natapos ang paglilipat sa pasyente dakong alas-3:15 ng hapon.

Ayon sa Philippine Coast Guard (PCG), naatasang magsagawa ng medical evacuation mission, ipinadala nito ang BRP Cabra mula sa Lawak Island upang sunduin ang maysakit na sundalo.

Dakong alas-7:30 ng umaga, nasa posisyong humigit-kumulang siyam na nautical miles sa hilaga ng Ayungin Shoal ang BRP Cabra nang magsagawa umano ng mapanganib na maniobra ang CCG vessel 5306 at gumamit ng water cannon.

Sinabi ng PCG na patuloy na lumapit ang barkong Tsino mula sa layong 1.3 nautical miles hanggang humigit-kumulang 400 yarda mula sa BRP Cabra, sa umano’y pagtatangkang itaboy ito palayo sa bahura. Nagpatuloy ang panghaharang hanggang hapon, na nagpaantala sa medical evacuation.

Dakong alas-3:15 ng hapon, ligtas na nailipat ang pasyente at ang kasama nito sa isang PCG rigid-hull inflatable boat (RHIB). Nakarating ang RHIB sa BRP Cabra bago mag-alas-5 ng hapon.

Nanawagan si PCG Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan sa China Coast Guard na igalang ang makataong layunin ng mga medical evacuation mission.

“When a life is at stake, there should be no water cannon, no obstruction, and no delay,” ani Gavan, na iginiit na pangunahing obligasyon ng mga coast guard sa buong mundo ang pagsagip sa mga maysakit o nasugatan sa dagat.

Hinimok din niya ang CCG na igalang ang mga makataong misyon at kumilos alinsunod sa international law at sa mga pamantayang inaasahan sa mga coast guard.

(JESSE RUIZ)

116

Related posts

Leave a Comment