INAKUSAHAN ni Vice President Sara Duterte ang administrasyong Marcos Jr. na ginagamit na pantakip sa anomalya sa gobyerno ang panggigipit sa kanilang pamilya.
Babala niya sa Marcos admin, pinanonood ng taumbayan ang panggigipit umano nito sa mga kalaban sa pulitika.
Nakikita aniya ng publiko ang mga pang-aapi ng administrasyon sa mga kalaban nito kabilang na ang kanilang pamilya.
Ayon pa sa Bise Presidente, hindi maikakaila na ginigipit ang kanyang pamilya para pagtakpan ang mga pagtaas ng bilihin sa bansa.
Magugunitang inakusahan ni VP Sara ang administrasyon na nasa likod sa pagpapaaresto kay dating pangulong Rodrigo Duterte.
Kinuwestiyon din niya ang timing ng mga panggigipit sa kanilang pamilya sa halip pagtuunan ang totoong serbisyo sa bayan, at ang pagpapatupad ng development projects.
Samantala, kumpiyansa si VP Sara na mas mataas pa sa mayorya ng mga botante ang sumusuporta sa “Duter10” senatorial candidates.
Gayunman, nangangamba umano siya sa “dayaan” at “vote-buying” sa eleksyon.
“Well, as with any elections, hindi namin alam kung ano talaga yung results. But so far, kung basehan lang naman natin ‘yung reception o pagtanggap ng mga tao sa mga senator candidates ng DuterTEN, ng PDP, okay naman. I think we have more than a majority support,” ani Duterte sa isang media interview noong Linggo, Mayo 4, na inulat ng Manila Bulletin.
(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)
