TARGET ni KA REX CAYANONG
SA lungsod ng Pasig, isang matapang na tinig ang kumakatok sa pintuan ng pagbabago—ang tinig ni Sarah “Ate Sarah” Discaya, na nagsusulong ng konkretong solusyon sa matagal nang suliranin ng mga Pasigueño.
Hindi sapat ang mga papuri sa “good governance” kung wala namang naipadadalang tulong na talagang nararamdaman ng taumbayan.
Anim na taon ang lumipas, subalit wala raw silang nasaksihang mga bagong paaralan, ospital, o pabahay na itinatag ng kasalukuyang administrasyon.
Kaya sa gitna ng lumalaking populasyon, palalang problema sa trapiko, at kawalan ng sapat na serbisyong pangkalusugan at edukasyon—maituturing bang matagumpay ang pamumuno kung wala namang konkretong pagbabagong naidulot?
Tama si Ate Sarah—usapang sikmura ito, kinabukasan ng kabataan, kalusugan ng pamilya, at disenteng tirahan para sa bawat Pasigueño. Ang serbisyong pampubliko ay hindi dapat nasusukat lamang sa linis ng imahe ng pamahalaan kundi sa laki ng epekto sa buhay ng karaniwang mamamayan.
Hindi salita kundi gawa ang hatid ni Ate Sarah.
Sa ilalim ng “Team Kaya This,” dala niya ang malinaw na bisyon ng isang smart city—isang Pasig na gumagamit ng teknolohiya upang mapabilis at mapahusay ang serbisyo, mula edukasyon at kalusugan hanggang pabahay at trapiko.
Ipinapanukala niya ang pagpapatayo ng makabagong mga paaralan, modernong ospital na may libreng serbisyo at zero billing, at vertical housing para sa mahihirap. Hindi lamang ito plano sa papel—ito ay mga pangakong may detalyado at realistang blueprint.
Lalong kapuri-puri ang kanyang malasakit sa kabuuang urban development—mula sensor-based traffic systems, vertical parking, flood control, digitalisasyon ng city hall, hanggang command center para sa anti-crime CCTV network. Lahat ng ito ay nakatuon hindi lamang sa pagpapaganda ng lungsod kundi sa aktuwal na kaginhawaan ng mga residente.
Ang kailangan ng Pasig ay isang lider na hindi lamang marunong magsalita kundi may kakayahang magpatupad ng tunay na pagbabago.
